Krisis sa kabuhayan, direktang atake sa kababaihan

,

Ginunita ng libu-libong kababaihan ang Internasyunal na Araw ng Kababaihang Anakpawis sa gitna ng rumaragasang krisis sa kabuhayan at pulitika. Tinawag nilang atake sa kababaihang Pilipino ang pagbagsak ng antas ng pamumuhay ng mga pamilyang Pilipino, na direktang resulta ng neoliberal na mga patakaran ng deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon ng magkakasunod na reaksyunaryong rehimen. Kinundena nila ang kainutilan ng kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr na ibaba ang presyo ng pagkain at ibang bilihin, gayundin ang pagpapahintulot niya sa mga pribadong kumpanya na itaas ang singil sa mga pampublikong yutilidad.

Hindi maikakaila ang bigwas sa kababaihan at mga bata dulot ng pagbagsak ng ekonomya, kawalan ng trabaho, barat na sahod at mababang kita, at ng isinapribado at mahal na panlipunang serbisyo. Nananatiling mataas ang presyo ng bigas, karne at isda, sa kabila ng mga pangako ng rehimen na ibaba ito sa pamamagitan ng dagdag na importasyon. Nagtaas ang singil sa kuryente at tubig, at tataas na ang singil sa LRT simula Abril 2. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng LPG at iba pang produktong petrolyo.

Nagtipon at sama-samang sumayaw bilang protesta ang kababaihan at iba pang mga sektor sa Maynila, Laguna, Batangas, Baguio, Tabuk City sa Kalinga; Iloilo, Capiz at Aklan sa Panay; Naga at Legazpi sa Bicol, at sa Davao.

Halos kalahati ng kababaihang edad 15-65 ay hindi ibinibilang ng estado sa “pwersa ng paggawa” ng bansa. Itinuturing silang hindi produktibo, kahit katuwang sila ng kanilang mga asawa sa bukid, lansangan at iba pang mga lugar kung saan nakapipiga sila ng kaunting kita.

Ang kababaihang kinikilalang may trabaho ay nasa mga sektor ng serbisyo kung saan laganap ang kontraktwalisasyon at minimum lamang o mas mababa pa ang tinatanggap na sahod. Kahit sa malalaking empresa, hindi sila mga regular. Sa loob ng gubyerno, apat sa bawat 10 empleyadong nakapailalim sa kaayusang job order/contract of service ay babae.

Sa pangkalahatan, tumatanggap sila ng mas mababang sahod kumpara sa kalalakihan. Binibigyan sila ng mga trabahong “bagay” sa kanilang mga “tradisyunal” na papel na mas madalas ay nasa mababang andana ng produksyon at burukrasya. Sa eskwelahan pa lamang, karaniwan silang itinutulak sa mga kursong pananahi, pagpapaganda (beauty care), at pagsesekretarya na mababa ang sahod at kadalasan ay hindi regular ang trabaho. Inilalaan sa mga lalaki ang mga trabahong may mas malaking potensyal na maging regular at magkaroon ng matataas na pusisyon.

Napakaliit ng bilang ng unyonisadong mga manggagawa, pero higit pang maliit ang bilang ng mga unyonisadong kababaihan. Kalakhan ng natitirang unyon ay nasa mga industriyang tradisyunal na dominado ng kalalakihan, tulad ng pagmamanupaktura at konstruksyon.

Di kataka-taka, mga babae rin ang pinakamaraming sinisisante ng mga kapitalista. Sa nakaraang mga taon, libu-libong kababaihan ang nawalan ng trabaho nang magsara ang mga dayuhang kumpanya ng garments sa loob ng mga export processing zone sa Cebu. Nasa panganib naman ang trabaho ng kababaihang bumubuo sa hanggang 55% ng mga empleyado sa mga business process outsourcing o BPO dulot ng paggamit ng mga dayuhang kumpanya ng artificial intelligence.

Liban sa malawakang tanggalan dahil sa redundancy, marami ring kababaihan ang sinisipa sa trabaho dahil sa diskriminasyon. Sa malalaking empresa, sadyang hindi tinatanggap ang mga buntis o may mga asawa (dahil posibleng mabuntis). Nasisisante sila pagkatapos manganak dahil hindi sila saklaw ng batas sa maternity leave. Walang ibinibigay na suporta ang kapitalista at ang estado sa kababaihang may maliliit na anak.

Lalong matingkad ang hindi pagkakapantay-pantay at kahirapan ng kababaihan sa kanayunan. Sa ilang dekada ng pagpapatupad ng reporma sa lupa, 19% lamang ang kababaihang may hawak na emancipation patent at 31% naman sa certificate of land ownership agreement o CLOA.

Dala ng kawalan ng lupa at kasalatan ng trabaho, milyun-milyong kababaihan ang nangingibang-bayan para kumita. Anim sa bawat 10 migranteng Pilipino ay babae. Mabababang klase ang kanilang trabaho at bulnerable sa abuso, matinding pagsasamantala at human trafficking. Kabilang sa mga biktima ng human trafficking si Mary Jane Veloso, na 15 taong nakulong sa Indonesia, na nakaligtas sa parusang kamatayan at, bagaman nakakulong pa, ay naiuwi sa bansa, sa tulak ng kanyang mga kamag-anak, kaibigan at tagasuporta.

Sa usapin ng kalusugan, hindi lamang pahirap, kundi nakamamatay sa kababaihan ang mga patakaran ng estado. Hanggang ngayon, hindi natutugunan ng estado ang maternal mortality o pagkamatay ng kababaihan dulot ng panganganak. Mula Enero hanggang Agosto 2024, nakapagtala ng 470 maternal death, katumbas ng 59 na namamatay sa panganganak kada buwan. Sa nakaraang taon, umabot sa 1,868 ang maternal death.

Kulang na, pribado pa, ang mga pasilidad pangkalusugan para sa kababaihan. Mahigit kalahati (58%) ng mga paanakan ay pribado at sumisingil ng ilampung libong piso sa normal na panganganak, at laluna kung nangangailangan ng operasyong sesaryan. Napakamahal ng tsek-ap at paggamot ng mga sakit na dinaranas ng kababaihan tulad ng breast at cervical cancer. Noong 2022, nakapagtala ng 33,079 na bagong kaso ng breast cancer, kung saan 11,857 ang naitalang namatay, katumbas ng 32 kababaihan kada araw.

Hindi sapat ang proteksyon ng estado sa kababaihan, laluna sa batang kababaihan. Noong 2023, 142,276 ang kaso ng pagbubuntis ng mga tinedyer, at may 390 kabataang kababaihan ang nanganak kada araw. Sa bilang na ito, 3,343 ay pagbubuntis ng mga batang edad 15 pababa at 99% sa mga kasong ito ay bunga ng statutory rape o panggagahasa ng mas matandang lalaki na gumamit ng kapangyarihan o awtoridad.

Mas malala ang kawalang proteksyon ng estado sa mga bata laban sa sekswal na pagsasamantala. sa buong mundo, sentro ng produksyon ng child sexual abuse materials ang Pilipinas. Noong 2023, nakatanggap ang Pilipinas ng halos 3 milyong reklamo, katumbas ng higit 7,500 reklamo kada araw ng hinihinalang online child sexual exploitation. Walang tugon ang estado sa mayorya sa mga reklamong ito, kaya nagpapatuloy ito nang walang pakundangan.

Sa gitna ng krisis at kahirapan, lalong tumindi ang karahasan laban sa kababaihan. Sa limitadong ulat ng pulis, may 12,046 kaso ng iba’t ibang uri ng karahasan sa kababaihan noong Enero hanggang Nobyembre 2024, mas mataas sa 11,585 kaso noong 2023. Sinasabing isa lamang sa 10 kaso ng karahasan sa kababaihan ang naiuulat sa mga pulis dulot ng kawalang tiwala nila sa mga awtoridad. Lalong naging mahirap sa mga biktima na lumantad sa panahon ng social media, kung saan laganap ang kultura ng paninisi sa mga biktima at pananahimik na lamang dahil sa paniniwalang walang magbabago matapos isiwalat ang krimen.

Krisis sa kabuhayan, direktang atake sa kababaihan