Welga sa Nexperia Philippines, tagumpay
Natulak ng 74 oras na welga ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union ang kapitalista ng multinasyunal na kumpanya na bigyan ng konsesyon ang mga manggagawa sa pakikipagtawaran nito para sa bagong Collective Bargaining Agreement (CBA). Umaray ang kapitalista matapos umabot sa tinatayang ₱1.26 bilyon ang nawalang kita ng kumpanya dulot ng welga mula Marso 5 ng hapon hanggang Marso 8.
Sinalubong ng suporta ang mga welgista ng mga kapwa manggagawa at ibang organisasyon sa labas ng Light Industry and Science Park 1 sa Cabuyao City, Laguna. Nakamit ng unyon ang pagbabalik sa trabaho sa pangulo ng NPIWU na si Mary Ann Castillo at isa pang upisyal ng unyon na sinisante. Nakuha rin ng unyon ang dagdag na ₱17 kada araw para sa 2024, ₱19 para sa 2025, ₱21 para sa 2026 at ₱20,000 signing bonus. Malinaw ring isinaad sa kasunduan na ipinagbabawal ang kahit anong hakbang-paghihiganti sa mga manggagawang lumahok sa welga.
Ayon kay Castillo, matagumpay ang kanilang welga dahil marami ang namulat sa kalagayan ng mga manggagawa sa Nexperia at nakiisa sa kanilang laban. Dagdag pa niya, lumakas ang loob ng mga unyonista at handa silang higit pang lumaban para sa kanilang mga karapatan.