Mga protesta
Ibalik ang mga tahungan sa Navotas. Nagtungo sa city hall ng Navotas ang mga mangingisda at magtatahong sa ilalim ng Pamalakaya noong Marso 14, para igiit sa lokal na gubyerno na pahintulutan silang ibalik ang kanilang mga tahungan. Sa araw ding ito noong nakaraang taon, dinemolis ng gubyerno ang kanilang mga tahungan sa tabing ng “rehabilitasyon” ng Manila Bay. Mahigit 200 tahungan ang dinemolis noong nakaraang taon para bigyan-daan ang 650-ektaryang proyektong reklamasyon ng San Miguel Corporation sa Navotas.
Hustisya para sa mga residente sa Balubad. Nagmartsa sa Angeles City sa Pampanga ang mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas noong Marso 12 para manawagan ng hustisya sa marahas at iligal na demolisyon sa kanilang komunidad noong Marso 12, 2024. Sa demolisyon noong nakaraang taon, 600 pamilya at 48 magsasakang benepisyaryo ng certificate of land ownership award ang pinalayas mula sa kanilang lupa.
Mga konsyumer laban sa matataas na presyo. Kinalampag ng protesta ng iba’t ibang mga grupong bahagi ng Samahan at Ugnayan ng mga Konsyumer Para sa Ikauunlad ng Bayan (Suki Network) noong Marso 14 ang mga palengke sa Metro Manila para ipanawagan ang pagpapababa sa presyo ng pagkain, bilihin at mga yutilidad. Nagkaroon din ng hiwalay na protesta ang kabataang estudyante kasama ang mga manggagawa para tutulan ang pagtaas ng singil sa pasahe sa tren.