Mapanirang proyektong dam sa Occidental Mindoro
Panibagong banta sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka, katutubong Mangyan-Buhid, at mamamayan sa hangganan ng San Jose at Rizal, Occidental Mindoro ang planong pagtatayo ng dam sa mga ilog ng Kayakyan at Busuanga, na nasa hangganan ng dalawang bayan. Ang Kayakyan ay isang mayor na pasanga sa Busuanga, isa sa malalaking ilog sa prubinsya.
Sampung pamayanan ng katutubong Mangyan-Buhid ang kagyat na nakaasa sa ilog ng Kayakyan para sa kanilang kabuhayan at mga pang araw-araw na pangangailangan. Nagsisilbi rin itong pinagmumulan ng tubig para sa irigasyon sa hindi bababa sa pitong barangay.
Ang Lipitan Small Reservoir Irrigation Project
Ang Lipitan Small Reservoir Irrigation Project ay naglalayong magtayo ng dalawang dam sa ilog ng Kayakyan at Busuanga upang paunlarin umano ang sistema ng irigasyon sa mga barangay sa San Jose at Rizal. Pinangungunahan ito ng National Irrigation Administration (NIA) sa pamamagitan ng Irrigation Management Office ng Occidental Mindoro.
Sa pagpapatupad ng proyekto, tahasang binalewala ng reaksyunaryong gubyerno ang sariling huwad na batas na Indigenous People’s Rights Act (IPRA) na nagsasaad na dapat munang kunin ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) o malayang pahintulot ng mga katutubong pamayanan na saklaw ng mga proyekto.
Dalawang dam ang planong itayo para sa naturang proyekto. Una, ang impounding dam na siyang iipon sa tubig mula sa hulo o mataas na bahagi ng ilog ng Kayakyan.
Ikalawa, ang “diversion dam” na itatayo sa ilog ng Busuanga sa hangganan ng mga barangay ng Central ng San Jose, Pitogo, at Sto Niño ng Rizal. Ang ikalawang dam ang maglilihis sa agos ng tubig upang maabot nito ang mga barangay padikit sa sentro ng San Jose.
Ipinangangalandakan ng NIA na nasa 6,676.20 ektaryang mga sakahan at 4,334 magsasaka ang “makikinabang” sa itatayong irigasyon. Pero mas mayor na layunin ng dam ang hydropower na lilikha ng 2.5 megawatt na kuryente na diumano’y tutugon sa malaking kakapusan sa suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro.
Sa taya, aabot sa ₱6.94 bilyon ang badyet para sa proyekto na popondohan ng pautang ng Japan International Cooperation Agency. Sisimulan ang konstruksyon sa 2027 at matatapos sa 2032.
Perwisyo sa masang Mindoreño
Tinatayang mahigit 40,000 mamamayan ang apektado ng proyekto.
Limang pamayanan o humigit-kumulang 1,400 katutubong Mangyan-Buhid ang palalayasin sa mga pook-panirahan at mga lupang taniman. Lima pang pamayanang katutubo, na may populasyong 2,200, ang mabubura dahil sa lapit ng mga ito sa ilog at sa mismong itatayong dam.
Nanganganib din ang mga barangay na nasa kapatagan sa panabihan ng ilog ng Busuanga. Direkta silang apektado ng pagbaha na lilikhain ng dam sa tuwing magpapakawala ito ng malaking bolyum. Ngayon pa lamang, madalas na binabaha ang mga lugar sa kapatagang bahagi ng hangganan ng San Jose at Rizal.
Noong 2024, tinutulan ng mamamayan ang naturang proyekto na inialok sa kanila ng lokal na gubyerno. Sa kabila nito, pilit silang pinasasang-ayon sa proyekto ng mga armadong elemento ng 203rd IBde at mga pulis. Dahil sa pagtutol, arbitraryo silang pinararatangang mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan. Maging ang mga upisyal ng mga barangay na apektado at maliliit na negosyante ay tinatakot upang pigilan silang magsalita laban sa proyekto.
Sa pagdurusa ng karaniwang mamamayan, inaasahang milyun-milyon ang kikitain ng mga pribadong kontraktor na kokopo ng mga kontrata sa proyekto at kaakibat na mga imprastruktura tulad ng itatayong mga kalsada at tulay papunta sa target na lugar. Tatabo rin ng kita ang mga konsesyunaryo ng kuryente katulad ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang at OrMin Power Inc ni Jolly Ting mula sa makukuhang enerhiya sa dam.
Nakapakat at palagiang nag-ooperasyon sa lugar na pagtatayuan ng dam ang mga pasistang pwersa ng 203rd Bde at mga pulis para protektahan ang mapanirang proyekto.
_____
Mula sa Alab, rebolusyonaryong pahayagan sa Mindoro.