Karahasan ng estado laban sa kababaihan
Walang lubay ang pang-aatake ng reaksyunaryong estado sa kababaihan sa ngalan ng gera kontra-insurhensya. Libu-libong kababaihan ang biktima sa mga paglabag ng armadong mga pwersa nito, laluna sa kanayunan. Bahagi sila ng mga komunidad na pinaghahari-harian ng militar at binobomba, at ipinaiilalim sa blokeyo at kontrol.
Mula nang maupo si Marcos Jr sa poder, di bababa sa 23 kababaihan ang pinatay ng mga ahente ng estado sa tabing ng gera kontra-insurhensya. Siyam sa kanila ay mga sibilyang pinaratangang mga Pulang mandirigma at pinatay sa gawa-gawang mga engkwentro. Kabilang sa mga ito sina Jelyn Deomo, Sheryl Dejomo at Divina Ajitan na pinatay ng 96th IB sa Masbate, at ang mag-inang Cristina Jacolbe at kanyang babaeng anak na si Everlee na pinatay ng 79th IB sa Negros Oriental. Ang iba ay mga Pulang mandirigma na nadakip, pinahirapan bago sadyang patayin, tulad nina Wilma Tiamzon, Hannah Cesista, Annabel Talon, Glorivic Belandres at Kaliska Peralta.
Hindi bababa sa 20 kababaihan ang dinukot ng mga ahente ni Marcos Jr. Tatlo sa kanila, sina Elgene Mungcal, Ma. Elena Pampoza at Lyngrace Martullinas ay hindi pa inililitaw hanggang ngayon. Ilan sa kanila ang nakahulagpos sa kamay ng mga sundalo, tulad nina Jhed Tamano, Jolina Castro, Rowena Dasig at Dyan Gumanao. May iba naman ay lihim na ikinulong sa kampo militar tulad nina Mariel Rebato at Monica Ogacho, kasama ang kanilang mga sanggol.
Sadyang tinatarget ng mga sundalo ang mga buntis o kapapanganak lamang na pinaghihinalaan nilang Pulang mandirigma o asawa ng Pulang mandirigma para pwersahin silang sumurender at ang kanilang mga asawa. Isa rito si Cherilyn Rebita, na dinukot mula sa tinutuluyan niyang bahay at tagong ikinulong hanggang manganak. Kinidnap ng mga sundalo ang kanyang anak para pwersahin siyang isuko ang kanyang asawa na isa ring Pulang mandirigma.
Sa mga komunidad ng magsasaka na inuokupa ng militar sa ngalan ng RCSP, pasimuno ang mga sundalo sa karahasan laban sa kababaihan. Hindi bababa sa walong kaso ng panggagahasa ang naiulat sa mga komunidad sa Northern Samar, Camarines Norte, Batangas at Oriental Mindoro. Dalawa sa kanila ay mga menor-de-edad. Dalawa naman ang nag-ulat na may ibang sundalong umakto bilang “look out” habang isinasagawa ang krimen.
Mula Hulyo 2022 hanggang Enero, hindi bababa sa 27 kababaihan ang inaresto ng rehimeng Marcos sa gawa-gawang kaso ng iligal possession of firearms at explosives at idinadawit sa armadong kilusan. Marami sa kanila ay matatanda na, tulad ni Presentacion Saluta, 63; Dolores Rapsing Belibit, 70; Adora Faye de Vera, 66; at isa sa pinakahuli, si Myrna Cruz-Abraham, 69. Sina de Vera at Cruz-Abraham ay nakalaya na, pero mas marami ang nananatiling nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng bansa.