Dalawang lider-masa sa Southern Tagalog, dinukot

,

Naitala ang dalawang kaso ng pagdukot sa mga lider-masa sa Southern Tagalog sa nagdaang dalawang linggo. Liban dito, mayroon ding mga paglabag sa karapatang-tao ang mga sundalo at pulis sa Isabela, Quezon at Metro Manila.

Sa Batangas, dinukot ng mga pwersa ng estado si Pauline Joy Banjawan, organisador ng Kadamay-Southern Tagalog na nangangampanya para sa Bayan Muna, noong Abril 26. Dalawang araw matapos ang pagkawala, natunton siya sa istasyon ng pulis sa Santo Tomas, Batangas.

Napag-alamang dinukot siya ng 59th IB, ipinailalim sa isang araw na tortyur bago dinala sa mga pulis. Sinampahan si Banjawan ng kasong illegal possession of firearms and explosives.

Sa Rizal, dinampot at ikinulong ng mga sundalo ng 80th IB ang magsasakang si Jonathan del Castello noong gabi ng Abril 27 sa Tanay. Ayon sa biktima, ipinailalim siya sa interogasyon at tinakot na papatayin ng mga sundalo. Inakusahan siya na ang dala niyang pagkain nang siya’y dinakip ay ihahatid niya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinakawalan lamang siya ng 80th IB noong madaling araw ng Abril 28.

Istraping. Sa Isabela, pinaputukan ng mga elemento ng 502nd IBde ang limang pambansang minoryang Ifugao habang nangingisda noong Abril 21 sa Sityo Sapiot, Barangay Tappa, San Mariano. Tatlo sa mga sibilyan ang kaagad na ligtas na nakauwi habang ang dalawa ay hindi kaagad natunton. Namaril din ang 86th IB sa Barangay Dicamay Dos, Jones noong Abril 20.

Militarisasyon. Sa Quezon, hindi bababa sa 2,000 sundalo ng 2nd ID ang ibinuhos para sa focused military operation (FMO) sa apat na barangay ng Lopez simula noong Abril 21. Kabi-kabilang tsekpoynt ang itinayo ng militar at pulis na nagpapaantala sa kabuhayan, pagsasaka at malayang paggalaw ng mga residente. Hinihingan ng sedula ang lahat ng mga dumadaan sa tsekpoynt.

Panggigipit. Hinarang sa paliparan at pinagbawalang pumasok sa Pilipinas noong Abril 26 si Gordon Mutch, Amerikanong myembro ng Baltimore Committee for Human Rights in Philippine (BaltCHRP). Pumunta sa Pilipinas si Mutch para magmasid sa eleksyong 2025 at makita ang kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng rehimeng Marcos. Dinetine siya ng Philippine Bureau of Immigration nang apat na oras, bago siya dineport sa US dahil sa “kontra-gubyerno niyang mga aktibidad.”

Dalawang lider-masa sa Southern Tagalog, dinukot