Koresponsal Ang hindi nagmamaliw na suporta ng masa

,

Takipsilim na ng puntahan ng mga kasama ang isang kalapaw o kubo ng mag-uuway o nangunguha ng yantok na si Mang Nestor (hindi niya tunay na pangalan) sa kahabaan ng Ilagan-Divilacan Road. Nasa tabing-daan ito kaya minabuti nilang hintayin ang paglubog ng araw bago magtungo roon.

“Magandang gabi!” kasabay ang sagad-sa-tengang ngiti ang agad na ipinambungad ng mga kasama sa kanya. Hindi pa man tuluyang nakakapasok sa kalapaw, agad nang humagulgol ng iyak si Mang Nestor at tanging “Kadua!” lamang ang kanyang nasambit habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Lumabas si Mang Nestor upang lapitan ang mga kasama at sinalubong sila ng mahigpit na yakap. “Ang tagal na ninyong hindi pumasyal. Ang tagal na namin kayong hinihintay,” nagagalak niyang sabi habang inaanyayahan ang mga kasama sa loob ng kalapaw.

Isa si Mang Nestor sa mga pambansang minoryang Agay sa Kadas (hindi tunay na pangalan ng lugar) na inagawan ng lupa sa ngalan ng huwad na reporestasyon na Enhanced National Greening Program (E-NGP). Hindi na rin siya makapagkaingin dahil sa pagbabawal ng DENR. Katulad ng lahat ng pambansang minorya na pinagkaitan ng lupang ninuno, wala siyang sariling lupa kung kayat pangunguha ng yantok ang naging hanapbuhay nilang mag-asawa. Bagamat kayod-kalabaw sa pag-uuway, kakarampot pa rin ang kanilang kinikita rito upang itawid ang araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

“Hindi ako nakapag-aral. Hindi ako marunong magbasa, magsulat at magbilang pero masipag akong magtrabaho. Ngunit kahit dugo’t pawis na kami ng asawa ko sa pag-uuway, lagi pa rin kaming salat at madalas lugi dahil ang daming ikinakaltas ng boss namin (sa pag-uuway),” masalimuot na pagbabahagi ni Mang Nestor sa mga kasama habang binibigyan sila ng mainit na kape. “Kaya masayang masaya ako na nakabalik ulit kayo dito sa amin mga kasama,” nakangiti niyang sabi.

Masalimuot ang proseso ng pag-uuway. Maliban sa marami itong tinik at mahirap hilain mula sa puno o akyatin upang makuha nang buo, manu-mano pa itong ibinababa mula sa gubat. Parang mga kalabaw na naghihila ng araro, buong-lakas nilang hihilain ang ilang pirasong uway na nakatali sa kanilang beywang o ulo hanggang makarating sa kanilang mga kalapaw. Kaya bago pa man makakuha ng yantok, bumabale na sila para may pambili ng pagkain ng pamilya at baon sa gubat habang nag-uuway, dagdag pa ang barat na presyuhan sa bawat bungkos at “pole” ng uway ayon sa laki nito. At dahil hindi marunong magbasa at magbilang, madalas ay dinadaya sila sa kwentahan.

Pagtutulungan ng hukbo at masa

Mayaman sa rebolusyonaryong karanasan at sama-samang pagkilos ang mga magsasaka at pambansang minorya sa baryo ng Kadas. Taong 2000, nagkaroon ng isyu sa kahabaan ng lugar nang tinangkang palayasin silang mga magsasaka ng nangangasiwa sa Community-based Forest Management. Dati iyong may konsesyon sa pagtotroso sa erya na halos sanlibong ektarya. Nang matagal na tiwangwang ang kanyang konsesyon ay pumusisyon dito ang mga setler galing ng Ifugao.

Sa pamumuno ng Partido, nagtagumpay ang mga magsasaka na maigiit ang karapatan nilang magbungkal ng sinasaka nilang lupa. Sa proseso ay napaunlad ang kanilang lugar bilang isang kinokonsolidang bahagi ng baseng gerilya. May mga organisasyong naitayo at mga proyektong sosyo-ekonomiko tulad ng mga komunal na bukid sa sektor ng kabataan, kababaihan, mga panglakayen o matatanda at mga panday; mayroong gamit pansaka at pagpapaunlad ng potable water system; at iba pang mga proyekto para sa kagalingan ng mga magsasaka at pagpapataas ng produksyon. Bagamat patuloy na hindi kinikilala ng reaksyunaryong gubyerno ang karapatan nila sa lupa dahil sa kategoryang forest land daw ito, katuwang ang mga kalapit na bayan ay sama-sama nilang hinarap at napagtagumpayan ang mga usaping magsasaka sa lugar.

Mga proyektong mapangamkam ng lupa

Nagsimulang mabulabog ang magandang simulain ng mga magsasaka nang pumasok ang huwad na mga programa ng reaksyunaryong gubyerno na nagpalayas sa puu-puong komunidad ng mga pambansang minoryang Agay, mga setler mula sa Ifugao at karatig-barangay. Ito ang NGP at ang paggawa ng Ilagan-Divilacan Road para umano sa ekoturismo na magdudugtong sa sentro ng Isabela sa mga bayan sa baybay-dagat. Doble dagok ang mga iskema na ito ng pang-aagaw ng lupa sa mga katutubo na pinagkakaitan ng karapatan sa lupa at kabuhayan.

Sa ilalim ng dating rehimeng Benigno Aquino III, inilunsad sa buong bansa ang National Greening Program sa lunsod ng Ilagan noong 2011-2012. Lalo pa itong pinasaklaw sa ilalim ng rehimeng Duterte na naging E-NGP.

Malakas ang pagtutol ng masang nakatira roon. Ngunit ang marahas at matagalang operasyon ng 86th IB, 502 IBde sa ilalim ng direktiba at pamumuno ng 5th ID, hindi kinaya ng masang magsasaka na makapanatili. Napalayas ang mga magsasaka at pambansang minoryang nasagasaan ng nasabing proyekto. Pinaalis ang lahat ng mga nakatira sa tabing-kalsada, at inilagay sila sa iisang lugar na bulnerable pa rin silang mapalayas. Ang mga dayong mayayaman ang humaliling pumwesto sa kanilang dating pamayanan sa pagtaas ng halaga ng lupa sa tabi ng kalsada.

Dahil dito, kolektibong kumilos ang mga magsasaka, pambansang minorya at setler, na humantong sa ilang serye ng mobilisasyon, sa tulong at gabay ng mga kasama. Naglunsad din mga aksyong militar ang mga yunit ng hukbo kabilang ang pagdisarma at reyd. Ang isyung ito, karugtong ng malawakang pagpapalayas ng NGP sa mga setler, pangangamkam ng mga tradisyunal na panginoong maylupa, at pagpapalayas ng lokal na reaksyunaryong gubyerno sa mamamayan upang bigyang-daan ang mga huwad na proyektong pangkaunlaran, ang naging salalayan ng militanteng pagkilos at pakikibakang masa sa Kadas at mga karatig-bayan.

Dahil sa mayamang rebolusyonaryong karanasan sa pakikibaka ng mga masa ng Kadas, lubos ang kanilang tiwala sa hukbo at batid nilang ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang tunay na nagtataguyod at kumikilala sa kanilang karapatan sa lupa at kabuhayan. Kaya bagaman may ilang panahon na hindi nakabalik ang mga kasama sa lugar, nandoon pa rin ang init at sigla ng kanilang pagtanggap sa hukbo. Bukod sa suportang materyal, isa si Mang Nestor, sampu ng iba pa na naging pangunahing salalayan ng mga kasama sa pag-ugnay sa iba pang masa, at naging kaagapay nila sa pagpunta sa iba pang mga bayan.

Ang hindi nagmamaliw na suporta ng masa