Bagong kumand ng AFP, pwersa ng US sa Pilipinas Pagtataas ng paghahanda ng US sa imperyalistang gera laban sa China

,

Sa kasagsagan ng mga aktibidad ng Balikatan noong Mayo 1, inianunsyo ng AFP ang plano nitong pagtatayo ng “Strategic Defense Command” sa loob ng kasalukuyang taon. Bubuuin ang bagong kumand para pangasiwaan diumano ang daan-daang war games na inilulunsad ng US sa Pilipinas, kabilang na ang Balikatan. Ang kumand na ito ay sinasabing huhugutin mula sa kasalukuyang Education, Training, and Doctrine Command ng AFP na dati nang mahigpit na nakasunod sa mga doktrinang militar ng US.

Kasabay ng pagbubuo ng bagong kumand ng AFP, sisimulan ng US ngayong taon ang operasyon ng mga bagong yunit militar nito sa Pilipinas. Una nang nagsimula ang operasyon ng Littoral Rotational ForceLuzon ng US na permanenteng didikit sa hilagang bahagi ng isla.

Ang pagbubuo ng AFP ng Strategic Defense Command at pagtatalaga ng permanenteng LRF sa Pilipinas ay bahagi ng pinaiigting na paghahanda ng US ng gera laban sa China. Patuloy na pinaiigting ng US ang tensyong militar sa pagitan nito at ng China sa sadyang pagsasagawa malapit sa Taiwan ng malalaking war games, pagpupwesto doon ng mga long-range at anti-ship missile system na naka-asinta sa mainland China, at pag-deploy ng mga tropa at war ship sa lugar na napakalapit na sa Taiwan at sa pinag-aawayang pormasyon sa South China Sea. Tuluy-tuloy ang pagtatambak ng daan-daang armas, sasakyan at iba pang gamit-militar sa iba’t ibang lokasyon sa Pilipinas.

Protesta kontra-Balikatan

Sinalubong ng demonstrasyon ng mga pambansa-demokratikong grupo ang pagbubukas ng Balikatan 40-25 noong Abril 21. Binatikos nila ito bilang magastos at walang pakinabang sa mga Pilipino. Anila, pagyurak ito sa soberanya ng bansa.

Sa halos 3-linggong Balikatan, naitala ang presensya at aktibidad militar ng US at iba pang dayuhang pwersa sa Batanes, Cagayan, Zambales, Subic Bay, Bulacan, Nueva Ecija, Aurora, Cavite, Palawan, Manila City, at Quezon City. Nagsagawa rin ng mga maniobrang pandigma sa teritoryong panghimpapawid at karagatan sa Philippine Sea at South China Sea.

Nadiskaril ng mga aktibidad militar ng Balikatan hindi lamang ang kapayapaan sa mga komunidad, kundi ang kabuhayan ng mahihirap na mangingisda at magsasaka.

Sa Aparri, Cagayan, nagpataw ng pagbabawal na makapalaot ang mga mangingisda noong Mayo 3-4 para sa Counter Landing Live Fire. Umaabot sa 15,000 nakarehistrong mangingisda ang naperwisyo ng pagbabawal.

Sa Zambales, ipinataw rin ang pagbabawal na makapalaot noong Abril 25-27 sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan at Subic. Muli itong ipinatupad noong Mayo 5-6.

Bagamat hanggang Mayo 9 lamang ang Balikatan, magtatagal pa ang mga tropang Amerikano para sa karugtong nitong mga aktibidad.

Pagtataas ng paghahanda ng US sa imperyalistang gera laban sa China