Kalagayan ng uring manggagawa sa Southern Tagalog

,


Matatagpuan ang pinakamalaking bilang ng mga manggagawang Pilipino sa Southern Tagalog. Sa kabuuan, 18% ng buong pwersang paggawa ng bansa ang nasa rehiyon. Pumapangalawa rito ang National Capital Region kung saan bumibilang sa 10.4 milyon ang mga manggagawa. Nakakonsentra sa Calabarzon ang 12.1 milyon sa 14.2 milyong pwersa ng paggawa ng rehiyon.

Hindi pa kabilang dito ang hindi itinuturing ng estado na pwersa ng paggawa tulad ng mga maybahay, retirado, out-of-school na kabataan, gumradweyt pero walang napasukang trabaho, may kapansanan, at mga hindi naghanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan. Sa pinakahuling inilabas sarbey ng reaksyunaryong estado, ang “labor force participation rate” o porsyento ng populasyong edad 15 pataas na napapabilang sa pwersa ng paggawa ay 64.8% lamang sa Calabarzon at 64.2% sa Mimaropa.

Sa mga may trabaho, sangkatlo ang kinategoryang self-employed o nag-eempleyo sa sarili. Bukod dito, may 7% ibinibilang sa employed pero walang sahod o hindi binabayaran ang paggawa. Kapag pinagsama ang dalawang kategorya, 35% ito ng pwersang paggawa na may bilang na 3.2 milyon sa buong rehiyon. Kapag idinagdag ito sa upisyal na bilang ng walang trabaho, may nakalululang bilang na 3.7 milyon na walang pormal na hanapbuhay sa hanay ng 9.2 milyong pwersa sa paggawa ng Southern Tagalog. Dagdag sa kanila ang nasa 1.4 milyong manggagawa na underemployed o kulang sa trabaho.

Mababang sahod

Ang sahuran at sumusweldong manggagawa sa rehiyon ay bumubuo sa 64% ng pwersang paggawa na may trabaho. Nasa pribadong kumpanya ang 4.4 milyon, habang kawani ng gubyerno ang 777,000.

Napakababa at hindi nakabubuhay ng pamilya ang sahod na ibinabayad ng kapitalista at burukrata kapitalista sa mga manggagawa, sa pribado man o sa sektor publiko. Sa Calabarzon ang minimum na sahod noong Mayo 2024 ay ₱522 lamang kada araw samantalang ang itinakda na nakabubuhay na sahod para sa 5-taong pamilya ay ₱1,122 bawat araw. Sa Mimaropa, kahabag-habag na ₱352 kada araw ang minimum na sahod noong Marso 2024, malayo sa itinakdang nakabubuhay na sahod para sa 5-taong pamilya na ₱1,213. Mistulang patakaran ng reaksyunaryong gubyerno ang hindi makataong kita ng manggagawa.

Milyun-milyon ang mga manggagawa ngunit maliit na bilang lamang ang organisado sa mga unyon na pangunahing organisasyong magsusulong ng kanilang karapatan sa makatarungang sahod. Sa tala noong 2021-2022, sa buong bilang na 34,543 kumpanya sa bansa na may pinakamababang 20 manggagawa pataas, 1,464 kumpanya o 4.2% lamang ang may rehistradong unyon. Mas maliit ito sa dating 6.3% noong 2018.

Terorismo ang tugon ng rehimen sa paglaban ng uring manggagawa

Ang dating pasistang panunupil sa pag-uunyon ng mga manggagawa ay hinigitan pa ng tahasang terorismo ng estado sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law. Ang reaksyunaryong estado ang nagsasagawa ng terorismo laban sa karaniwang mamamayan laluna laban sa mga manggagawa, aktibista, mga taong may makatarungang adbokasiya at mga kritiko ng gubyerno. Laganap na ginagamit ng mga militar, pulis at ahensya ng estado gaya ng NTF-Elcac ang Red-tagging na pumupuntirya sa lider at aktibistang kasapi ng unyon. Paghahanda ito para isagawa ang pagpaslang, pagdukot at pagwala sa kanila. Tampok na halimbawa nito ang operasyon ng PNP-Calabarzon na tinaguriang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 na pumatay sa siyam na lider at organisador kabilang ang lider-manggagawang si Manny Asuncion. Makalipas ang ilang linggo, pinatay din si Dandy Miguel, presidente ng unyon sa Fuji Electronics sa Laguna.

Noong maagang bahagi ng 2023, isang delegasyon ng International Labour Organization (ILO) ang nagsagawa ng imbestigasyon sa kalagayan ng mga unyon at nagpahayag ng pagkundena sa takbo ng kaisipan ng reaksyunaryong gubyerno na laging iniuugnay ang unyonismo sa komunismo. Mula 2016, 76 unyonista at organisador ang naitalang pinaslang ng mga pwersang panseguridad ng estado. Kahit matapos ang misyon ng ILO sa bansa, apat pang mga unyonista ang iniulat na pinaslang.

Halaw sa Kalatas, Mayo 2025.

Kalagayan ng uring manggagawa sa Southern Tagalog