Kabankalan 7, mabubuting anak ng Negros Island
Binigyang pugay ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) ang pitong Pulang mandirigma nito na namatay sa “overkill” na armadong operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Abril 27 ng umaga sa Barangay Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental. Namatay ang Kabankalan 7 habang gumagampan sa ginintuang tungkulin ng patuloy na pagsusulong sa armadong pakikibaka, pagpapalawak sa baseng masa at agraryong rebolusyon sa isla.
Ang pitong namartir ay sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), Ka Pitong, at Dee Supelanas (Ka Dahlia). Si Supelanas ay dating lider estudyante ng UP-Cebu. Tatlo sa mga martir ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos.
Noong Abril 29, nagtipon at sama-samang nagtirik ng kandila ang mga kabataang Cebuano sa University of the Philippines (UP)-Cebu para bigyang pugay si Supelanas. Bago nagsilbi bilang Pulang mandirigma, si Supelenas ay isang aktibista at lider-estudyante. Pinamunuan niya ang mga kampanya para sa edukasyon, serbisyong panlipunan, demokratikong karapatan at paglaban sa tiraniya at pasismo.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Partido at BHB-Negros Island sa mga pamilya, kaibigan at kasama ng Kabankalan 7. “Habang nagluluksa, gamitin ninyo itong pagkakataon para higit na pandayin ang rebolusyonaryong diwa, bilang paraan ng pagkakamit ng hustisya sa ating mga martir,” ayon kay Ka Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido.
Binatikos rin ni Valbuena ang pang-aalipusta ng National Task Force-Elcac at AFP sa alaala ni Supelanas. Ipinipinta ng mga pwersa ng estado na siya ay “biktima ng manipulasyon” ng Partido at ng BHB, sa kabila ng katotohanang libu-libong kabataan ang lumahok at lalahok pa sa rebolusyonaryong kilusan para baguhin ang bulok na lipunan dahil sa kanilang pagmamahal sa inang bayan.
Samantala, nanawagan ng imbestigasyon ang grupo sa karapatang-tao na Kapatid sa pagpaslang sa Kabankalan 7. Tinutulak nila ang imbestigasyon dahil duda sila kung “tunay nga bang engkwentrong militar ang nangyari o tahasang pagpaslang.” Ipinagtataka ng grupo na wala man lamang ni isang nakaligtas mula sa pitong Pulang mandirigma.
Anito, higit na mas malakas at superyor ang bilang at armas pamutok ng AFP laban sa nakahimpil na mga Pulang mandirigma, ngunit bakit hindi na lamang sila inaresto? “Bakit wala ni isa sa kanila—o maging lahat sila—ang inaresto at sinampahan ng kaso? Para maging mga bilanggong pulitikal sa halip na habampanahong pinatahimik?” ayon pa sa grupo.