Balangkas sa pampulitikang panunupil Doktrinang CVE ng US, ginagamit ng NTF-Elcac

Tuwing mayroong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na mula sa sektor ng kabataang-estudyante na namamatay sa labanan (o sadyang pinapatay) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), walang ibang bukambibig ang National Task Force (NTF)-Elcac kundi ang pangangailangang supilin ang ideya at kaisipan ng kabataan sa mga unibersidad. Sinasabi nilang paraan ito para pigilan ang paglahok ng mga kabataan sa armadong pakikibaka o binabansagan nitong “radikalisasyon” o “terrorist grooming.”
Ang taktikang ito ng AFP at NTF-Elcac ay nagmula at nakabalangkas sa doktrinang “countering violent extremism” (CVE o “paglaban sa marahas na ekstremismo”) ng US. Tinataguriang “ekstremismo” o mga “sukdulang ideolohiya” ang anumang ideya na itinuturing na “banta” sa naghaharing sistema. Ipinantatabing ang CVE sa pagsupil sa lahat ng anyo ng pagpapahayag at paglaban sa estado. Pinalalabas nitong ang “ekstremismo” ang nagtutulak sa mamamayan na lumaban kabilang ang lehitimo at makatarungang pag-aarmas ng mamamayan laban sa reaksyunaryong naghaharing estado. Hindi simpleng mga ideya at paniniwala ang nagbubunga nito, taliwas sa pinalalabas ng CVE, kundi ang mismong kongkretong mga kundisyon ng pang-aapi, pagsasamantala at karahasan ng estado.
Ang doktrina at programang CVE
Ang CVE ay unang pinagtibay sa ilalim ng administrasyong Obama ng US noong 2014. Ginamit ito noong panahon ng kampanya kontra-Muslim o pagpapalaganap ng Islamophobia, at kasabay na tinarget ang mga progresibong aktibistang pampulitika. Pinalalabas ng doktrina na ang mga Muslim at mga aktibista ay “marahas sa kaibuturan.”
Ginamit ang CVE para sa pagpupulis at pagmamanman sa mga lider ng komunidad para i-profile o bumuo ng larawan ng mga indibidwal batay sa kanilang kilos laluna sa usapin ng relihiyon, lahi at pulitika. Layunin nitong bantayan ang “radikalisasyon” ng mga indibidwal na sinasabing susi para humantong sa “terorismo.” Tinatawag din ito bilang “soft counterterrorism.”
Wala pa mang ginawa ang isang indibidwal, maaari nang bansagang “terorista” ang kanyang ugali at takbo ng pag-iisip. Labag ito sa mga batayang karapatang-tao tulad ng karapatan sa pribasiya, pagpapahayag, pagkilos, pag-oorganisa at iba pa. Nagtatanim ito ng takot at nagbubunga ng “self surveillance” o “pagbabantay sa sarili” upang hindi mapaghinalaan, at sumisira sa mga komunidad.
Pamiminsala ng CVE sa Pilipinas
Noong 2019, binuo at pinagtibay ng gubyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Council sa ilalim ng Human Security Act ang isang National Action Plan on Preventing and Countering Violent Extremism (NAP P/CVE). Nakasaad bilang layunin nito ang pangangasiwa sa mga programang tumutugon sa pampulitika, pang-ekonomya, pangkultura, psychosocial at relihiyosong aspeto ng “radikalisasyon” na humahantong diumano sa “marahas na ekstremismo.”
Inilagay ito pangunahin sa pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG) katuwang ang iba pang ahensya ng gubyerno. Tinukoy ng plano ang anim na “bulnerableng sektor” na kinakailangang pasukin para pigilan ang “radikalisasyon.” Ang mga sektor na ito ay ang komunidad, mga detenidong pulitikal at may kasong “terorismo”, lider-relihiyoso, unibersidad, gumagamit ng social media, overseas Filipino workers at mga relihiyosong iskolar.
Gumagampan ng susing tungkulin ang NTF-Elcac bilang pangunahing ahensyang koordineytor ng mga programang ipinatutupad sa ilalim ng plano. Nakapakete ito sa tinatawag na “whole-of-nation approach,” ang pundasyon ng pagkakabuo sa ahensya. Ang NTF-Elcac ang nakikipag-usap sa mga klaster at mga panrehiyon at lokal na task force para ipatupad ang NAP P/CVE.
Sa aktwal, nagkahugis ang plano sa pagpapatupad ng Retooled Community Support Program (RCSP) noong Oktubre 2019 sa bisa ng isang memorandum ng DILG para pasukin ang mga komunidad. Sa balangkas rin ng NAP P/CVE ipinatupad ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) noong Marso 2020 para naman targetin ang “nagbalik-loob” o mga nakakulong.
Sa mga unibersidad at eskwelahan, nagsasagawa ang NTF-Elcac at mga ahensya sa seguridad ng estado ng mga porum, mga leadership training, camping, gawaing kooperasyon at iba pang panghihimasok sa mga unibersidad para talakayin ang “radikalisasyon.”
Isang mukha nito ang kampanyang Red-tagging na sumusupil sa kalayaang mag-isip, mag-organisa, magpahayag at iba pang karapatan ng mga kabataan. Nagkaroon din ng mga kaso ng pagsamsam ng NTF-Elcac ng mga libro sa silid-aklatan ng mga unibersidad na anito ay nagdudulot ng “radikalisasyon.”
Pinakamalubha, pinapayuko ng militar at NTF-Elcac ang mga administrador ng mga eskwelahan para sumunod sa kanilang kumpas. Sa ganitong balangkas pinasok ng AFP ang isang kasunduan sa kooperasyon sa University of the Philippines. Ito rin ang pangunahing layunin ng NTF-Elcac nang ipinaloob ang COCOPEA, grupo ng mga pribadong eskwelahan, bilang bahagi ng komite nito.
Malawakang takot at troma ang nilikha ng doktrinang CVE sa kabataan at mamamayan. Dahil dito, marami ang nag-aalangang magpahayag ng upinyon sa social media at magsalita para sa kanilang batayang mga karapatan.