Editoryal

Armadong rebolusyon ang tunay na solusyon

, ,

Inilalantad ng naghaharing sistema ang sarili nitong kabulukan sa nagaganap ngayong reaksyunaryong eleksyon. Sa nagdaang mga buwan ng pangangampanya para sa halalan sa senado, kongreso at mga lokal na gubyerno, nasaksihan ng taumbayan kung papaanong ang eleksyon sa Pilipinas ay dominado ng mga dinastiya at partidong kumakatawan sa interes ng mga imperyalistang dayuhan at iilan at hindi ng mayorya ng sambayanan.

Ang eleksyong 2025 ay pinaghaharian ng pinakabulok na mga pangkatin ng naghaharing uri: ng mga Marcos at Duterte, na kapwa sagadsarin sa korapsyon, panunupil at pang-aapi sa bayan, at sa pagiging sunud-sunuran sa mga dikta ng imperyalistang dayuhan. Kapwa sila ngayon nagbabalyahan para mahawakan ang kapangyarihan sa layuning palawakin ang kanilang yaman at burukratikong pribilehiyo, at makatakas sa mga pananagutan sa mga krimen nila sa bayan.

Nais ng pangkating Marcos na pagharian ang kongreso, senado at mga LGU para lalong mapahigpit ang kontrol sa poder at likhain ang kundisyon para sa pagpapalawig sa kapangyarihan ng kanilang dinastiya lagpas sa 2028. Ang pagpapakulong kay Duterte sa International Criminal Court kung saan nasasakdal siya sa mga krimen laban sa sangkatauhan ay binigyang daan ni Marcos sa tangkang idiskaril ang mga karibal niya sa pulitika. Kabi-kabila ang palabas at gimik ng rehimeng Marcos upang makuha ang malawak na suporta ng taumbayan. Gayunman, bigo itong pagtakpan ang malalang krisis ng kahirapan dulot ng walang katapusang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mababang sahod at kawalan ng hanapbuhay.

Naghahabol ang mga Duterte na maipasok ang sapat na bilang ng kanilang mga tauhan sa Senado, pangunahin para hadlangan ang impeachment kay Vice President Sara Duterte, na akusado sa maanomalyang paggastos sa daan-daang milyong pisong badyet ng gubyerno. Upang kunin ang simpatya ng mamamayan, pinalalabas nilang sila’y mga biktima ng pampulitikang paniniil ni Marcos. Subalit bigo silang burahin ang sariwang alaala ng masa ng malawakang karahasan at pagdurusa sa ilalim ng nagdaang rehimen, at tabunan ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan sa lahat ng biktima ng pasistang mga krimen ng tiranong si Duterte.

Ipinakikita ng dominasyon ng dalawang bulok na pangkatin sa eleksyong 2025 ang kasuklam-suklam na halalan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Paligsahan ito ng iilang makapangyarihan. Walang tunay na puwang ang paglahok ng masang api at pinagsasamantalahan. Pinalalabas na demokratiko ang eleksyon, gayong ang katotohanan, para lamang ito sa mga burukratang kapitalista, mga burgesyang komprador at panginoong maylupa.

Sa nagdaang mga buwan, lumikha ng malakas na ingay ang paglahok ng mga demokratiko, progresibo at makabayang kandidato at partido sa eleksyon sa senado at kongreso. Dinala nila sa kampanyang eleksyon ang mga panawagan para sa nakabubuhay na sahod at sweldo, tunay na reporma sa lupa, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, libreng serbisyong pangkalusugan at edukasyon, trabaho, karapatan, kalayaan at iba pang kahingian ng sambayanan. Nagmula ang karamihan sa kanila sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa, mga maralitang-lunsod, mangingisda, drayber at iba pang aping sektor.

Taliwas dito ang mga reaksyunaryong pulitiko na nagbibingi-bingihan sa mga sigaw ng bayan. Kung umasta mang maka-masa, iyon ay hanggang eleksyon lamang. Gamit ang kanilang malalim na balon ng yaman, dinodominahan na rin nila ngayon ang halalang party-list at inaalisan ng puwang ang mga partidong tunay na kumakatawan sa mahihirap na sektor ng lipunan.

Daan-daang milyong piso ang gastos nila para sa mga patalastas sa radyo at telebisyon, para tadtarin ang mga pader at poste ng kanilang mga poster at mamudmod ng mga kamisetang may tatak ng kanilang mukha at pangalan. Kasabay nito, nagsulputang parang kabute ang mga sarbey para impluwensyahan ang isip ng taumbayan. Kaakibat nito ang paggamit ng mga bayarang taga-impluwensya sa social media para itulak ang talakayan pabor sa interes ng mga pulitiko o partido. Daan-daan milyong piso ang tiyak na babaha pa habang papalapit ang mismong araw ng halalan para ipambili ng boto.

Kabi-kabila ang mga kaso ng pagpatay at karahasan ng mga nagriribalang pulitiko sa iba’t ibang panig ng bansa. Karahasan naman ng estado ang ginagamit ng mga ahente ng militar, pulis at NTF-Elcac para gipitin ang mga progresibong kandidato at partido, sa anyo ng pagmamanman, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pag-aaresto at pagkukulong, at paninindak sa kanilang mga pwersa at tagasuporta.

Tiyak na muling gagamitin ng nakaupo sa kapangyarihan ang dekompyuter na pagbibilang sa mga boto para pumabor sa kanila ang magiging resulta ng halalan. Kaya’t lumalakas ang panawagan para sa manumanong pagbibilang ng boto na magbibigay sana ng malaking katiyakan na tamang nabibilang ang mga boto. Gayunman, patuloy itong binabalewala ng Comelec. Tinatayang malaking bilang ng mga migranteng manggagawang Pilipino ang hindi makaboboto dahil sa ginawang online voting.

Alinman sa mga Marcos o mga Duterte ang manaig sa darating na halalan, tiyak na patuloy at lalong bibilis ang pagkabulok ng reaksyunaryong estado, sa harap ng walang kalutasang krisis ng naghaharing sistema. Patuloy itong magpapatupad ng mga programa at batas na pabor sa interes ng imperyalismong US, ng malalaking dayuhang kumpanya at ng mga naghaharing uri, na magdadala ng higit na pagdurusa sa taumbayan. Tiyak na lalala pa ang korapsyon sa pagbawi ng mga burukratang kapitalista ng daan-daang milyong ipinuhunan nila sa eleksyon.

Dapat patuloy na patatagin ang solidong organisadong hanay ng sambayanang Pilipino at magpunyagi sa landas ng militanteng pakikibaka, lalo sa pagharap sa malalaking laban sa darating na mga buwan at taon, kabilang ang pagbukas ng pagdinig ng Senado kaugnay sa impeachment ni Sara Duterte at paglilitis kay Rodrigo Duterte sa ICC, gayundin laban sa tumitinding panghihimasok militar ng US sa Pilipinas at panunulsol ng gera kontra sa China, sa pagpapakapapet ni Marcos, sa anti-mamamayan at pahirap na patakaran, korapsyon, kainutilan at pasistang panunupil at paninibasib ng rehimeng Marcos sa sambayanan.

Sa nakalipas na mga buwan, napakarami na namang namulat ang mata sa kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon at huwad na demokrasya sa ilalim ng naghaharing sistema. Ipinakikita nito sa taumbayan na tunay ngang rebolusyonaryong pagbabago ang solusyon sa mga pundamental na problema ng sambayanan. Tuluy-tuloy na lumalakas at lumalawak ang National Democratic Front at lahat ng kaanib nitong organisasyon, at ginagawa ang lahat ng makakaya para tumulong sa pagpapalakas ng Bagong Hukbong Bayan at pagsulong sa armadong pakikibaka.

Sa kanayunan, patuloy na nakapagpupunyagi at nakapagpapalakas ang BHB sa kabila ng walang awat at brutal na gera ng panunupil ng rehimeng Marcos. Patuloy na pinalalalim at pinalalawak ng BHB ang ugnayan nito sa masang magsasaka upang isulong ang kanilang mga pakikibakang anti-imperyalista, anti-pasista at antipyudal, palakasin ang kanilang mga samahang masa, at ilunsad ang kakayaning mga taktikal na opensiba. Sa gabay ng Partido at ng kilusang pagwawasto, tiyak na patuloy na babagtasin ng digmang bayan ang landas ng pagsulong.

Armadong rebolusyon ang tunay na solusyon