Mga protesta
Barikada ng mamamayang Aeta sa Mt. Pinatubo. Nagtayo ng barikada noong Abril 18 ang komunidad ng Aeta sa Mt. Pinatubo Sityo Tarukgan, Barangay Santa Juliana, Capas, Tarlac upang igiit ang karapatan sa kanilang lupa. Ilang taon nang hindi nababayaran nang tama ang mga katutubo ng mga ahensya ng estado sa turismo at hindi rin sila tinutulungan ng NCIP. Hindi makatarungang inaresto ang ilan sa kanila ng mga pulis at sinampahan sila ng kasong obstruction of public passage at hindi awtorisadong pagpasok sa protektadong lugar.
Balik-trabaho sa Bataan. Naitulak ng mga manggagawa ang pamunuan ng FCF Manufacturing Corporation na ibalik sa trabaho ang mga ipinailalim nito sa istatus na “forced leave” noong Abril 19. Nanawagan ang grupo kumpanya na itigil ang tinatawag na “paghataw sa gawa” at iba pang iskema ng pag-iimbak ng gawang produkto dahil ito ang nagtutulak ng patakarang forced leave.
Parada sa dagat laban sa offshore wind farm sa Ilocos. Naglunsad ng parada ang mga mangingisda sa Pagudpud sa Ilocos Norte noong Abril 20 upang tutulan ang planong pagtatayo ng BuhaWind Offshore Windfarm sa baybay ng Pasuquin, Burgos, Bangui, at Pagudpud. Sa tatlong taong konstruksyon ng wind farm, pagbabawalan na makapalaot malapit dito ang mga mangingisda.
Pagkilos kontra Prime Water sa Bulacan. Naglunsad ng noise barrage ang iba’t ibang grupo noong Abril 25 upang kundenahin ang palpak na serbisyong tubig ng Prime Water sa San Jose Del Monte City sa Bulacan. Mula nang maitatag ang joint venture o sosyohan ng Prime Water at ng San Jose Del Monte Water District noong 2018, kabi-kabila na ang naging problema ng mga residente tulad ng madalang at mahinang daloy ng marumi at hindi pwedeng inuming tubig, at napakamahal ng bayarin sa serbisyo.