Ika-52 anibersaryo ng NDFP, ipinagdiwang

,

Dala ang mga bandila ng National Democratic Front (NDF) at mga alyadong organisasyon nito, naglunsad ng raling iglap ang daan-daang kasapi ng iba’t ibang rebolusyonaryong grupo sa Divisoria sa Maynila noong Abril 29 para ipagdiwang ang anibersaryo ng NDFP. Panawagan nila: “Armadong rebolusyon ang tunay na solusyon!” Ginunita ng NDFP ang ika-52 anibersaryo nito noong Abril 24.

Nagsabit ng mga istrimer ang Christians for National Liberation (CNL) at Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) malapit sa Malacañang na may panawagan ng pagsusulong ng rebolusyon.

Ayon kay Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP, ang NDFP bilang organisasyon ng nagkakaisang prente ay para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. “Habang kinikilala ang iba’t ibang porma ng pakikibaka, itinataguyod ng NDFP ang armadong pakikibaka bilang pangunahing porma upang mabaklas ang bulok na malakolonyal at malapyudal na sistema habang unti-unti at tuluy-tuloy na binubuo ang bagong sistema sa pagpapaunlad ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.”

Hinimok niya ang mga alyadong organisasyon na magpalawak at magpalakas. “Sa kasalukuyang pandaigdigan at pambansang krisis, kailangang-kailangan ang mga organisasyong masa para sa paikikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa pang-aapi at pagsasamantala at sa pagbubuo ng lipunang nararapat para sa kanila, na nagsisilbi sa kanilang mga interes,” aniya.

Nagpahayag naman ng pagbati ang iba’t ibang organisasyon mula sa antas rehiyon hanggang pambansa, at ang mga partido sa ibayong-dagat para sa anibersaryo ng NDF. Kabilang dito ang PKP, BHB, mga balangay ng NDF sa Southern Tagalog at Ilocos, NDF-Palawan, NDF-International, Liga ng Agham para sa Bayan, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, RCTU, Kabataang Makabayan at KM-Southern Tagalog, Compatriots, CNL at Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid.

Binati rin ang NDF ng Friends of the Filipino People in Struggles (FFPS) at mga balangay at organisasyon nito. Nagsagawa ang FFPS ng mga aktibidad at pagtitipon sa iba’t ibang bansa noong Abril 26 bilang pagdiriwang. Nagpaabot rin ng pagbati ang International Bureau ng Partido Komunista ng Turkey (TKP-ML) at Cairde na Filipínigh Committee ng Anti-Imperialist Action Ireland.

Ika-52 anibersaryo ng NDFP, ipinagdiwang