2 Pulang mandirigma, dinukot at sadyang pinaslang ng 62nd IB

,

Nadakip at sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 62nd IB si Tony Pahayahay (Ka Pidol), Pulang mandirigma ng BHB-Central Negros noong Mayo 1 sa Barangay Humay-humay, Guihulngan City, Negros Oriental. Nasugatan sa engkwentro si Pahayahay at nadakip isang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng labanan. Samantala, isa pang sugatang Pulang mandirigma ang dinakip at hindi pa inililitaw ng mga sundalo.

Sa ibang bahagi ng bansa, tuluy-tuloy ang mga paglabag sa karapatang-tao.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis ang 10 residente at katutubong Molbog sa Sityo Marihangin sa Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan noong Mayo 15. Tinututulan ng mga katutubo ang San Miguel Corporation sa pag-angkin sa kanilang lupa para tayuan ng resort na sumasaklaw sa mahigit 5,500 ektarya.

Militarisasyon. Mula pa Marso ay nakapailalim ang ilang mga barangay mula sa bayan ng Baleno at Masbate City sa RCSP. Ayon sa PKM-Masbate, kinokontrol ng mga militar ang bawat galaw ng mga residente at tinatakdaan ng dami ng pagkain na pwede lamang ikonsumo. Lantaran ding ninanakaw ng militar ang kanilang mga alagang hayop.

Red-tagging. Dalawang lider-estudyante mula sa UP Cebu ang umatras sa kandidatura para sa eleksyon ng mag-aaral sa kampus nitong Mayo dahil sa matinding Red-tagging. Anila, matinding takot ang dinanas ng dalawang kandidato at ng kanilang mga pamilya matapos lumabas sa social media ang kanilang larawan at pangalan na idinadawit sa armadong rebolusyonaryong kilusan.

2 Pulang mandirigma, dinukot at sadyang pinaslang ng 62nd IB