Manipulasyon, ispekulasyon at monopolyong pagtatakda sa presyo ng langis

,

Kada Martes, nagbabago ang presyo ng mga produktong pretrolyo sa Pilipinas. Mula Enero hanggang Mayo 20, tumaas ito nang 11 beses habang 10 beses naman itong bumaba. Mas malalaki ang mga pagtaas kumpara sa mga pagbaba na nagresulta sa netong dagdag na ₱4/litro sa presyo ng gasolina at ₱3.80/litro sa presyo ng diesel.

Noong Mayo 20, muling nagprotesta ang mga demokratikong grupo, sa pangunguna ng Bayan Muna, laban sa isa na namang malakihang pagtaas ng presyo (₱1.30/litro sa gasolina;₱1.80 sa diesel, at ₱0.95-₱1.40 sa kerosene). Ito ay sa kabila ng tuluy-tuloy na pagbaba ng presyo ng krudong langis sa pamilihan mula pa Abril nang hanggang $10 kada bariles.

Lagi’t lagi, idinadahilan ng mga kumpanya ng langis at ng Department of Energy (DoE) na ang pagtaas ng presyo ay “salamin ng pagbabago-bago ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan.” Kabilang sa mga idinadahilan ang pagbabawas ng produksyon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), pagtaas ng demand sa malalamig na bansa, pati na rin pagsiklab ng mga armadong sigalot na may kaugnayan sa mga prodyuser ng langis.

Manipulasyon at monopolyong pagpepresyo

Hindi prodyuser ng langis ang Pilipinas. Nag-iisa na lamang ang planta nitong nagrerepina ng krudong langis. Noong 2024, tinatayang nasa abereyds na 471,000 bariles ng iba’t ibang klaseng produktong petrolyo kada araw ang kinokonsumo sa bansa, kung saan 95-99% nito ay imported. Noong 2022, 78.2% ng imported na langis ay repinado, habang 21.8% lamang ang iniimport na krudong langis.

Sa gayon, totoong apektado ang lokal na presyo ng langis ng pabago-bagong presyo ng krudong langis sa mundo, pero hindi ito direkta. Mas direkta ang epekto sa lokal na presyo ang mga pagbabago sa gastos sa pagrerepina, mga problema sa suplay o proseso ng pagrerepina, lokal na ipinataw na mga buwis (12% VAT at excise), gastos sa transportasyon at palitan ng piso at dolyar.

Sa pangkabuuan, apektado ng mga galaw-kartel ng OPEC+ ang presyo dahil kontrolado nito ang 40% ng suplay at 80% ng mga reserbang langis sa buong mundo. May kakayahan ang kartel na itakda nang lampas-lampas sa gastos nito sa produksyon ang bentahan ng krudong langis sa merkado. Ang Aramco ng Saudi Arabia, halimbawa, ay nakapuprodyus ng krudong langis sa halagang $11.80/bariles noong 2024. Sa taong ito, nasa $31/bariles ang bentahan sa pandaigdigang merkado.

Minamanipula ng OPEC+ ang presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan sa pamamagitan ng koordinadong pagbabawas o pagdadagdag ng suplay. Sa isang pag-aaral, sinasabing hanggang 30% ng pandaigdigang presyo ng langis ay dulot ng manipulasyon ng OPEC+ sa suplay.

Huling nagtakda ng pagbabawas ng produksyon ang OPEC+ noong Nobyembre 2023. Nasa 2.2 milyong bariles kada araw ang napagkasunduan ng mga bansa na ibawas sa produksyon para pigilan ang noo’y pagdausdos na presyo ng krudong langis. Pero simula Abril ngayong taon, nagkasundo naman ang walong pinakamalalaking prodyuser na unti-unting itaas ang suplay sa susunod na tatlong buwan. Sinasabing ganting hakbang ito sa paglabag ng Iran sa itinakdang kota sa produksyon, at sa parehong panahon, pangkontra sa banta ng US na bahain ang merkado ng relatibong mas mura na shale oil. Hindi bahagi ng OPEC+ ang US at anumang galaw nito sa produksyon ng langis ay nagbabadyang umagaw ng bahagi ng OPEC+ sa merkado.

Sa pang-araw-araw na kalakaran, salik sa pagbabago-bago ng presyo ng langis ang ispekulasyon sa tinatawag na “futures trading,” isang sistema ng kalakalan kung saan binibili at ibinebenta ang langis na ipoprodyus pa lamang at gagamitin sa hinaharap. Sinasabing itinatakda ang presyo ng “futures” alinsunod sa ispekulasyon sa galaw sa merkado, posibleng mga sagka sa produksyon at mga heopulitkal na pangyayari, tulad ng biglaang pagsiklab ng mga gera o pag-aalsa. Pero ayon sa isang kamakailang pag-aaral, 60%-65% ng paggalaw ng presyo ng langis sa loob ng isang trading day ay dulot na ng “algorithmic trading” o pagbili at pagbenta ng “futures” alinsunod sa galaw ng teknikal na datos. Wala na itong kinalaman sa aktwal na galaw sa merkado at mga pangyayari sa mundo.

Dereguladong manipulasyon

Sa Pilipinas, ibayo pang naitataas ng mga kumpanya ng langis ang lokal na presyo dahil sa Oil Deregulation Law, ang batas na nagtanggal sa kontrol ng estado sa industriya. Sa ilalim ng batas na ito, pinahintulutan ng estado ang mga kumpanya na “iayon” ang kanilang presyo sa galaw ng pandaigdigang merkado at direktang ipasa ang anumang pagbabago-bago sa mga konsyumer. Ipinasa ang batas sa layuning hikayatin ang “malayang kumpetisyon” sa sektor.

Sa halip na “kumpetisyon,” lumikha ang batas ng mala-kartel kung saan ginawang madali para sa mga kumpanya ng langis na manipulahin, magsobrang-presyo (overprice) at magsabwatan. Walang obligasyon ang mga kumpanya na ipaalam sa estado at publiko kung magkano sa pagbabago-bago sa presyo ang bahagi ng pagbabago-bago sa presyo sa pandaigdigang merkado; magkano ang bahagi ng pagrerepina, pag-iimbak at transportasyon; at magkano ang inangking kita mula rito. Noong 2019, naitulak ang estado na obligahin ang mga kumpanya na isapubliko ang mga numero, pero aktibo itong nilabanan at ipinahinto ng mga kumpanya.

Napatunayan sa nakaraan na mas malaki ang itinaas ng lokal na mga presyo kumpara sa pagtaas ng presyo ng krudong langis sa pandaigdigang pamilihan. Sa isang pag-aaral ng Ibon Foundation na sumaklaw sa mga pagbabago sa presyo mula 1999 hanggang 2011, mas matas nang 20-22% ang lokal na presyo ng langis kumpara sa itinaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Dalawa sa pinakamalalaking kumpanya ng langis sa bansa, ang Shell at Caltex, ay mga subsidyaro ng multinasyunal na mga kumpanya, na salarin sa manipulasyon at ispekulasyon sa pandaigdigang saklaw.

Manipulasyon, ispekulasyon at monopolyong pagtatakda sa presyo ng langis