Walang bago sa eleksyon 2025

,

Tulad sa nagdaang mga eleksyon, pinagharian ng “guns, goons, gold” ang eleksyong midterm ngayong 2025. Lantaran ang naging dayaan at maniobrahan gamit ang automated na halalan at karahasan laban sa karaniwang mamamayan. Walang bago sa eleksyon, at binigyan nitong muli ng demokratikong tabing ang pagluluklok sa mga kinatawan ng malalaking panginoong maylupa, malalaking burgesyang kumprador at ng imperyalistang US.

Batbat ng dayaan

Ilang araw bago ang botohan, nalantad na pinalitan ng Miru at Comelec ang sistemang kumukontrol sa mga “automated counting machine” na hindi dumaan sa independyenteng pagkilatis at pagrepaso.

Sa mismong araw, samutsaring anomalya ang naiulat ng mga grupong tagamasid sa eleksyon. Sa ulat ng grupong Kontra Daya, mahigit 50% ng mga reklamong natanggap nila ay may kaugnayan sa pumalpak na mga makina, kasunod ang iligal na pangangampanya, bilihan ng boto at nawawalang mga pangalan sa mga listahan ng botante. May mga ulat rin ng Red-tagging at pagpapakalat ng pekeng balita.

Pagbukas pa lamang ng mga presinto, dagsa na ang mga reklamo tungkol sa “inconsistency” ng mga makina ng Miru Systems Co. Ltd, kumpanyang South Korean, na binayaran ng gubyerno ng ₱18 bilyon.

Kabilang dito ang maraming ulat ng hindi tinanggap na mga boto dahil sa “overvoting” (sobrang boto sa mga pusisyon). Mayroon ding ulat ng”undervoting” (kulang na boto) kahit pa kumpleto ang minarkahan ng mga botante. Pinuna ng mga grupo ang “marker” (pentel pen) na ginamit na masyadong makapal ang tinta at mataas na “sensitivity” ng makina.

Ayon sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), ngayong eleksyon lamang sila nakatanggap ng ganoong dami at klase ng mga reklamo. Anito, hindi malalaman kung tugma ang mga boto sa balota sa inirerehistro ng makina, liban na lamang kung manwal na bilangin ang mga ito.

Mayroong 18.2 milyon ang naitalang “overvote” kung saan 16.8 ang sa mga senador habang mayroong halos 3.3 milyon sa party-list. Dagdag dito, maraming mga presinto ang nahuli nang nagsimula ng botohan dahil hindi kinakain ang balota.

Iniulat rin ng PPCRV ang mga anomalya sa pagbato ng Comelec ng mga resulta ng bilangan. Alas-8 ng gabi sa araw ng botohan, inireklamo ng grupo na hindi nito sabay na natanggap ang mga electoral transmission. Ang natanggap nilang 15% ay naglalaman lamang ng “headers” at hindi ng aktwal na mga boto. Lalong naging kaduda-duda ang bilangan nang biglang ibawas ng Comelec ang 5 milyong boto mula sa 15,000 presinto dahil “nadoble” diumano ang pagbilang ng mga ito.

Batbat rin ng anomalya ang “online voting” ng mga overseas Filipino workers kung saan nahirapan silang bumoto dahil dito.

Napakarami rin ng naiulat na karahasang may kaugnayan sa eleksyon sa panahon ng kampanya. Mula Enero hanggang Abril, may naiulat na 26 insidente. Sa bisperas at mismong araw ng botohan, laganap ang mga ulat ng barilan at armadong atake na nagresulta sa 16 patay.

Samantala, hindi nagampanan ng European Union Election Observation Mission ang buong tungkulin nitong magmasid sa eleksyon sa bansa matapos silang pagbawalan ng Comelec na makapasok sa mga presinto sa araw ng halalan. Napuna rin nila ang laganap na bilihan ng boto sa bansa.

Naitala rin ng International Observer Mission ang patung-patong na mga anomalya sa kanilang pagmamasid. Humarap din ito sa tahasang panunupil ng estado nang pagbawalan ang isang delegado nito na makapasok sa Pilipinas at i-deport sa US.

Paghahari ng iilan

Natapos ang eleksyon 2025, ngunit walang bago at pare-pareho pa rin ang mga pangalan ng mga nanalo at nakakuha ng poder.

Limang Marcos ang nanalo sa nagdaang eleksyon. Mauupo bilang senador si Imee Marcos, si Cecilia Araneta-Marcos bilang gobernador at Matthew Joseph Manotoc bilang bise gobernador, si Ferdinand Alexander Marcos (Sandro) at Angelo Marcos Barba bilang kongresista ng una at ikalawang distrito ng Ilocos Norte.

Hindi naman bababa sa limang Romualdez, kamag-anak rin ng mga Marcos, ang nakakuha ng pwesto sa Leyte. Nanalo bilang kongresista si Martin Romualdez sa unang distrito ng Leyte. Nakopo nila ang pusisyon ng alkalde, bise alkalde, at isang konsehal sa Tacloban City. Isang Romualdez din ang uupo bilang isa sa tatlong kinatawan ng Tingog Party-list, partidong binuo ng pamilya.

Sa panig ng mga Duterte, anim ang nanalo sa eleksyon. Dagdag sila sa nakaupong si Bise Presidente Sara Duterte at isang barangay kapitan sa Davao City. Nakopo ng mga Duterte ang buong Davao City (alkalde, bise alkalde, kongresista ng una at ikalawang distrito at isang konsehal). Nahalal na alkalde si Rodrigo Duterte kahit na nakakulong sa International Criminal Court sa The Hague dahil sa kasong krimen sa sangkatauhan. Nanalo rin ang isang Duterte na unang nominado ng PPP Party-list.

Samantala, nakakuha ng tatlong pwesto ang Duterte Youth Party-list na bagaman hindi mga Duterte ang nominado ay nagsisilbing ekstensyon ng kanilang kapangyarihan.

Sa Senado, dalawang Tulfo ngayon ang nakaupo matapos manalo si Erwin. Mayroon ding tig-dalawang senador ang mga Cayetano at Villar. Dati nang nakaluklok dito ang magkapatid sa ilalim ng pamilyang Ejercito-Estrada.

Nananatili naman ang kapit ng mga Bulut sa Apayao, mga Ortega sa La Union, pamilyang Dy sa Isabela, Ebdane sa Zambales, Kho sa Masbate, mga Tan ng Samar, Alonto-Adiong ng Lanao del Sur, Hataman-Salliman ng Basilan, pamilyang Sali sa Tawi-Tawi at marami pang iba.

Walang bago sa eleksyon 2025