Ilantad ang bulok na reaksyunaryong halalang batbat ng dayaan

Dayaan ang tatak ng halalan sa ilalim ng reaksyunaryong estado sa Pilipinas. Muli itong ipinakita sa nagdaang eleksyon kung saan naging laganap, sistematiko at garapalan ang manipulasyon ng resulta ng botohan upang paburan ang naghaharing papet na rehimeng Marcos.
Sa harap ng kaliwa’t kanang anomalya at kapalpakan ng sistema sa pagbibilang ng boto ng Commission on Elections at Miru Systems, hindi mapaniwala ang malaking bahagi ng taumbayan na ang resulta ng eleksyon ay salamin ng tunay na boto ng mamamayan. Mula nang magsimula ang dekompyuter na bilangan sa Pilipinas, nadala sa walang kapantay na antas ang dayaan, malawakang “dagdag-bawas” na walang nakakikita at nakaaalam, liban sa naghaharing pangkatin at pribadong dayuhang kumpanyang gumawa ng sistemang hindi ibinubukas o ipinabubusisi sa publiko.
Laganap din ang iba pang anyo ng pandaraya sa eleksyon tulad ng bilihan ng boto, paggamit ng pondong pampubliko (laluna sa paraan ng pamamahagi ng ayuda ng gubyerno), pandarahas at paninindak, at Red-tagging.
Napanatili ng rehimeng Marcos ang mayoryang kontrol sa Senado at Mababang Kapulungan. Sa pamamagitan ng kontrol sa Kongreso, tiyak na itutulak pang lalo ni Marcos ang badyet, mga batas at programa na alinsunod sa dikta ng dayuhang mga bangko at kumpanya, na pabigat at pahirap sa bayan. Tiyak na gagamitin ang pangingibabaw na ito sa Kongreso upang pangalagaan ang interes ng pangkating Marcos.
Todo-todo ang ginawang panghihimasok ng imperyalismong US sa eleksyon sa Pilipinas. Lubhang nangangamba ito sa lumalalim na krisis sa pulitika ng naghaharing sistema, sa harap ng tumitinding sigalot ng pangkating Marcos at Duterte. Sa partikular, sa harap ng lumalalang krisis sa kabuhayan at tumitinding galit ng taumbayan, nangangamba ito sa pagkahiwalay ng papet nitong si Marcos, at paglakas ng pangkating Duterte, na ginagamit ng karibal nitong China para magpalalim ng impluwensya sa Pilipinas.
Ginamit ng US ang kapangyarihan, impluwensya at ugnayan ng mga ahente nito sa pulitika, negosyo, midya, simbahan at iba pang sektor upang palitawin ang isang “ikatlong pwersa” na binubuo ng mga partido at pulitiko na mapagkaibigan sa US na kasalukuyang nakahanay sa koalisyon ng Liberal-Akbayan-Pink (LAP). Binuo ang mga aregluhan sa pulitika upang tiyaking mangunguna ang mga kandidato nito sa Senado at sistemang party-list, upang maipambato at ipantapat sa pangkating Duterte sa eleksyong 2028.
Idiniin nito si Marcos na dalhin ang mga kandidato ng LAP sa pagkasenador na sina Bam Aquino at Francis Pangilinan. Inamin mismo ng tagapagsalita ng partido ni Marcos na puspusan nilang itinulak ang kandidatura ng dalawa. Kasabay nito, nakipag-areglo ang kilalang personahe ng LAP na si Leni Robredo sa Iglesia ni Cristo para dalhin si Aquino, kapalit ng kanyang pag-endorso kay Rodante Marcoleta, kilalang tagasibasib ni Duterte, laluna kontra ABS-CBN noong 2020. Sadyang “nasorpresa” ang lahat na nakuha ng dalawa ang ikalawa at ikalimang pwesto (mula sa ranggong 13 pababa sa mga sarbey). Nangangabuhul-buhol ang dila ng pangkating Marcos at LAP, at mga tagasuporta nito sa akademya, masmidya at simbahan, sa pagpapaliwanag sa “sorpresang” ito, sa tangkang buhusan ng malamig na tubig ang kilusang kontra sa dayaan at maruming pulitika.
Tulad sa nagdaang eleksyon, itinulak ng imperyalismong US ang todo-largang kampanya ng rehimeng Marcos laban sa mga makabayan at progresibong grupo na kumandidato sa senado at party-list. Ginamit nito ang NTF-Elcac, militar at pulis at buong rekurso ng estado sa malawakang Red-tagging, paninindak, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, pag-aaresto at pagpaslang. Upang bigyang matwid ang pampulitikang panunupil, ginamit ni Marcos ang pasistang katwiran na ang mga grupong ito’y bumubuo ng “insurhensyang nagkubli sa eleksyon,” sa tangkang sarhan ang lahat ng larangan para sa demokratikong pagpapahayag.
Katulad sa mga nagdaang taon, tinarget sila ng sistematikong pagbabawas ng boto ng mga progresibong party-list gamit ang dekompyuter na sistema ng pagbibilang. Sinusuportahan ng US at papet na rehimeng Marcos ang mga maka-US na grupong repormista katulad ng Akbayan na mapanlinlang nilang inilalarawan na “Kaliwa” upang ilihis ang taumbayan mula sa landas ng tunay na makabayan at demokratikong pagbabago. Layunin nito na busalan ang lahat ng nagsasalita laban sa tumitinding panghihimasok militar ng US sa Pilipinas at paggamit sa bansa bilang malaking base militar para mag-istasyon ng libu-libong tropang Amerikano at maglagak ng mga sandata kaakibat ng paghahanda nito ng gera laban sa China.
Sa kabila nito, nagawa ng mga grupong ito na makapaglunsad ng malawakang kampanya sa buong bansa. Malinaw nilang dinala ang programa para isulong ang pambansa at demokratikong adhikain ng taumbayan, at ang mga panawagan para sa nakabubuhay na sahod at sweldo, trabaho, mababang presyo ng pagkain at langis, at iba pang kagyat na panawagan at pangangailangan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang hikahos at aping sektor ng lipunang Pilipino. Sa paglahok nila sa halalan, nagawa nilang hamunin, ilantad at batikusin ang paghahari ng mga burukratang kapitalista, burgesyang komprador at panginoong maylupa.
Muling ipinakita ng nagdaang halalan sa bansa na walang tunay na demokrasya sa Pilipinas. Napapalamutian lamang ang reaksyunaryong gubyerno ng bihis ng demokratikong paligsahang pampulitika, na ang totoong nakapaglalaro lamang ay mga partido at kandidatong may limpak-limpak na salapi na pambili sa kapangyarihan.
Itinuturo ng kasaysayan na kailangan ang rebolusyonaryong pakikibaka para makamit ang tunay na pagbabago na hinahangad ng sambayanang Pilipino. Layunin ng rebolusyon na agawin ang kapangyarihang pampulitika mula sa mga naghaharing uri upang maitayo ang isang tunay na demokratikong gubyernong kakatawan sa interes ng sambayanan. Kailangang hawakan ng mga aping uri ang estado poder upang ipatupad ang mga pagbabago sa ekonomya at sistemang panlipunan pabor sa taumbayan.
Magagawa lamang ang pagbabagong ito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, kaakibat ang iba pang anyo ng paglaban. Sa pamamagitan ng pagsusulong ng Bagong Hukbong Bayan sa matagalang digmang bayan para baha-bahaging durugin ang lakas ng kaaway, antas-antas na itinatayo ng BHB at masa ang bagong demokratikong gubyerno at bagong sistemang panlipunan, kung saan ang masa ang nakikinabang sa yamang kanilang nililikha.
Nagpupunyagi ang sambayanang Pilipino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa sa landas ng armadong pakikibaka na may determinasyong sumulong at kamtin ang tagumpay sa hinaharap. Walang makapipigil sa pagtupad nila ng pangkasaysayang tungkulin na kamtin ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.