“Planong pangkapayapaan” ng rehimeng Marcos, huwad at inulit-ulit lang

,

Kabi-kabilang pagkutya ang sumalubong sa “bagong” planong pangkapayapaan ng rehimeng Marcos na isinapubliko ng National Security Council noong huling linggo ng Abril. Pormal na binasbasan ng rehimen ang National Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) nang ilabas nito ang Memorandum Circular No. 83 noong Mayo 2.

Kasabay sa pagpapalaganap ng NAP-UPD, ipinangangalandakan ng rehimen at ng NTF-Elcac na lubusan nang magagapi ang armadong kilusan kapag nalansag na ang “huling nakatayong larangan” na sinasabi nitong nasa Camarines Sur sa katapusan ng taon.

Ayon sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), niloloko lamang ni Marcos at ng kanyang mga upisyal ang kanilang mga sarili sa pagsasabing magagapi na ang rebolusyonaryong kilusan. Pinabubulaanan ito ng patuloy na pagpakat ng militar ng puu-puong mga batalyong pangkombat laban sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa.

Pagkutya ng PKP, paano magkakaroon ng kapayapaan sa gitna ng tiraniya at pamiminsala sa mamamayan? Nagpapatuloy ang paghahari-harian ng mga sundalo sa daan-daang komundad ng mga magsasaka at katutubo sa tabing ng “community support.” Sa mga komunidad na ito, na ipinagmamayabang na “insurgency-free,” sinusupil ang karapatan ng mamamayan at laganap ang mga pang-aabuso.

Walang kapayapaan hanggang nakakulong ang mga konsultant sa negosasyong haharap sa pagresolba sa mga ugat ng armadong tunggalian, ayon sa PKP. Hangad lamang ng rehimen na pasukuin ang mga Pulang mandirigma, ipagkanulo ang kanilang rebolusyonaryong paglaban at iwang walang depensa ang mamamayang Pilipino laban sa brutal at marahas na makinarya ng estado.

Hanggang walang pagkilala sa mga ugat ng armadong tunggalian, walang magaganap na kapayapaan, ayon sa PKP.

Kinutya rin ng mga progresibong organisasyon ang NAP-UPD, na tinawag nilang “recycled.”

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan at National Union of People’s Lawyers, pinanatili ng NAP-UPD ang dati nang mapanupil na pamamaraan para “makamit ang kapayapaan.” Malinaw ito sa pagtatakda sa NTF-Elcac bilang nangungunang tagapagpatupad ng programa, alinsunod sa “whole-of-nation” approach. Anila, binigyan lamang ng NAP-UPD ng bagong mukha ang dati nang nasubok at nabigong estratehiya kontra-insurhensya.

Batid ng mga grupo na ang tunay na pinupuntirya ng NAP-UPD ay ang hayag na mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang mamamayang api para patahimikin sila sa kanilang paglaban sa reaksyunaryong gubyerno. Malinaw dito ang planong ipaarangkada pa ang pampulitikang panunupil sa mga demokratkong sektor, mula sa pagkait sa kanila ng demokratikong espasyo sa mga paaralan, lugar-paggawa at maging sa parlamento. Malinaw rin ang tunguhin nitong gamitin ang mapaniil na mga batas tulad ng Anti-Terrorism Law at Anti-Terrorist Financing Law para “isara” diumano ang “gripo” ng pinansya at suporta sa armadong rebolusyon. Ang ganitong malisyosong pag-uugnay sa mga sibilyan ay nagsisilbing pasakalye para gipitin, iligal na arestuhin at ibimbin, sapilitang iwala, at maging patayin sila.

“Planong pangkapayapaan” ng rehimeng Marcos, huwad at inulit-ulit lang