Panawagan para sa pagbasura ng kontrata sa PrimeWater, lumalawak
Kulay tsaa o kape, mabaho at di kayang inumin na tubig; may tubig lamang tuwing hatinggabi o madaling araw, may mga araw na walang tubig, ilang minuto na puro hangin lamang ang lumalabas sa gripo pero umaandar ang metro; mahal at patuloy na nagmamahal na singil sa serbisyo sa tubig—ang mga ito ang karima-rimarim na kalagayan at karanasan ng mamamayan na ilang taon nang nakapailalim sa PrimeWater ang pagsusuplay ng tubig sa kanilang mga lugar.
Pribatisasyon ng serbisyo sa tubig
Ang PrimeWater Infrastructure Corporation (PrimeWater) ay kumpanyang pag-aari ng pinakamalaking burgesyang komprador sa buong Pilipinas na pamilyang Villar. Sa buong bansa, umabot sa 130 water district mula sa mga syudad at munisipalidad ang kontrolado ng PrimeWater sa pamamagitan ng mga joint venture agreement (JVA). Tinatayang nasa 16 milyon ang nakaasa dito.
Sa ilalim ng JVA, pinapaloob ang mga local water district (LWD) sa public private partnership (PPP) sa PrimeWater. Sa ganitong sistema, nagiging pribado ang serbisyo sa tubig sa halip na pampublikong serbisyo.
Sa JVA, itinatali ng kumpanya ang mga LWD sa 25 taong kontrata. Ang PrimeWater na ang mangangasiwa sa operasyon, pagsasaayos, pagpagpapaunlad at pagtatayo ng mga imprastraktura, pagmantine ng suplay ng tubig at septic management system, at pagsingil ng bayad sa serbisyo. Ang PrimeWater rin ang nagtatakda sa magiging pagtaas ng taripa at singil sa serbisyo bilang bahagi ng pondo nito diumano para sa pagpapaunlad ng serbisyo. Tagasubaybay na lamang ang mga LWD.
Taliwas sa mga pangakong nakapaloob sa JVA, ilan taon nang inirereklamo ng mg LWD ang lantarang hindi pagsunod ng PrimeWater sa kanilang mga kontrata na nagdulot ng palpak na serbisyo sa mga sinusuplayan nito ng tubig sa buong Pilipinas. Ilang beses din nagpaabot ang Commission on Audit hinggil sa di pagsunod sa kontrata ng PrimeWater, hindi pagbigay ng sapat na pondo o pamumuhunan para sa pagpapaunlad ng serbisyo at pagbaba ng kita ng mga LWD habang mas malaki ang kinikita ng PrimeWater pagdating sa hatian sa kita at iba pang anomalya.
Pagbasura sa PrimeWater
Mula sa patung-patong na reklamo sa bulok na serbisyo ng PrimeWater, paghahain ng petisyon, paglulunsad ng mga press conference, noise barrage, hanggang sa pagsampa ng pormal na reklamo, iba-ibang porma ng sama-samang pagkilos ang isinagawa ng mamamayan at ng mga organisasyon na nagsusulong para sa karapatan sa serbisyo sa tubig. Dahil dito, natulak ang mga LWD at lokal na ahensya ng gubyerno na imbestigahan, aksyunan at putulin na ang kontrata sa PrimeWater.
Naglabas ng resolusyon na nagtatapos ng JVA sa Primewater ang LWD ng San Jose Del Monte noong Abril 3, ang prubinsya ng Quezon noong Abril 30 at ang Metro San Fernando Water District sa La Union noong Mayo 8.
Naghain naman ng Notice of Intention to Pre-terminate ng JVA sa PrimeWater ang Camarines Norte Water District noong Enero 20, gayundin ang City of San Fernando Water District sa Pampanga noong Mayo 1. Nagpahayag din ang Leyte Metropolitan Water District sa Tacloban City ng intensyong bawiin ang JVA noong Mayo 5.
Lumalawak at lumalakas naman ang panawagan ng mamamayan ng Bacolod at mga residente ng Tierra Nova Subdivision sa Barangay Bagumbong, Caloocan para tapusin na ang JVA ng PrimeWater sa kanilang lugar.
Sa kongreso, naghain ang mga kinatawan ng mga party-list sa ilalim ng Makabayan ng House Resolution 2279 noong Mayo 6, na naghihikayat na imbestigahan ng Kongreso ang mga JVA ng PrimeWater at mahigit 130 LWD sa buong bansa. Nanawagan si Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party para sa kagyat na pagsasabatas ng House Bill 10150 o Anti-Privatization of Public Water Systems Act.
Nagsumite rin ng reklamo ang mga konsyumer ng PrimeWater at Bayan Muna sa Malacañang noong Mayo 8 upang itulak si Ferdinand Marcos Jr na ibasura ang lahat ng JVA sa PrimeWater dahil sa patung-patong na mga kapalpakan at ligal na mga anomalya nito.