Tuloy ang laban ng Makabayan

,

Matapos ang halalan, ipinahayag ng Koalisyong Makabayan ang pasasalamat sa lahat ng mga tagasuporta, kampanyador at bumoto sa 11 kandidato nito sa pagkasenador at apat na party-list. Tiniyak ng koalisyon na magpapatuloy sila sa pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino kahit tapos na ang kampanya at halalan.

Nakatanggap ng kalahating milyon hanggang 4.64 milyong boto ang mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan. Ang apat na party-list ng Makabayan na ACT Teachers, Kabataan, Gabriela Women’s Party (GWP) at Bayan Muna ay nakakuha ng kabuuang 1.08 milyong boto. Tig-isang pwesto ang nakuha ng Kabataan at ACT Teachers habang bigo ang GWP at Bayan Muna na manalo.

Ayon sa koalisyon, ang boto at suporta na kanilang natanggap ay hindi lamang numerong mananatili sa balota, kundi patunay ng paninindigan laban sa bulok na sistemang matagal nang nanliligalig sa bansa. Simbolo umano ito ng bilang ng manggagawang Pilipino na lumalaban para sa dagdag sahod at disenteng trabaho, mga magsasakang naninindigan para sa kanilang karapatan sa lupa, mga kabataang naghahangad ng kinabukasang makatarungan at malaya, at iba pang nakikibakang demokratikong sektor.

Nagawang ilunsad ng Makabayan ang isang pambansang kampanya at makakalap ng milyun-milyong boto sa kabila ng lantarang pandaraya sa eleksyong 2025 gamit ang mga automated na makina, sustenido at koordinadong atake ng mga pwersa ng estado, walang tigil na Red-tagging at panunupil, at kampanya ng disimpormasyon.

Nanindigan ang koalisyon laban sa mga ito. Nakiisa sila sa mga demonstrasyon at piket ng Kontra Daya at Bagong Alyansang Makabayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong Mayo 13, nagmartsa ang mga raliyista patungong Manila Hotel sa Maynila kung saan naglulunsad ng pambansang bilangan ang Comelec. Sa araw ding iyon, naglunsad ng protesta ang mga grupo at partido sa Iloilo City at Cavite City. Noong Mayo 14, muling nagprotesta ang GWP sa Manila Hotel at nagkaroon din ng demonstrasyon sa Quezon City, Trece Martires City sa Cavite, Batangas, Laguna, Aklan, at Cebu. Nagkaroon ng katulad pang mga protesta sa mga sumunod na araw.

Isang malaking rali din ang inilunsad ng mga grupo noong Mayo 19 sa Manila Hotel kasabay ng proklamasyon ng mga nanalo sa eleksyong party-list.

Tuloy ang laban ng Makabayan