Pang-aagaw ng lupa para sa dayuhang mga plantasyon, laganap sa Lanao del Sur

,

Sa munisipalidad ng Amai Manabilang (dating Bumbaran) sa Lanao del Sur, kasalukuyang nagaganap ang malawakan at marahas na pang-aagaw ng lupa ng mga Moro, Lumad at setler na magsasaka. Nagsabwatan ang magkasunod na rehimeng Duterte at Marcos, lokal na dinastiyang Manabilang at ang Armed Forces of the Philippines para palayasin ang mga naninirahan sa lugar at ipagamit ang kanilang mga lupa sa dayuhang mga multinasyunal na kumpanya.

Instrumento ng reaksyunaryong estado ang Southern Philippines Development Authority (SPDA), isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na nakapailalim sa upisina ng presidente sa pang-agaw ng lupa. Ang SPDA, na itinatag noon pang 1975, ay ginawaran ng karapatan sa “eminent domain.” Ibig sabihin, may ligal na kapangyarihan ito na mang-agaw ng mga pribadong lupa para sa “pampublikong gamit.” May awtoridad itong igawad ang naagaw na mga lupa sa sinumang pinapaboran nitong lokal o dayuhang korporasyon.

Kaunlaran para sa dayuhan

Bilang panimula, pwersahang inangkin ng SPDA ang 26,000 ektarya sa Lanao del Sur at ipinailalim ito sa Agro-Industrial Development Program (AIDP), isang “special agro-economic zone” na magpapaunlad diumano sa atrasadong ekonomya ng prubinsya. Sinaklaw ng AIDP ang erya na dating nakapailalim sa Kapatiran Agro-Industrial Development Cooperative, isang “kooperatiba” na ginamit ng noo’y diktadurang Marcos para pasukuin ang mga mandirgima ng Moro National Liberation Front. Ang 16,000 ektarya nito ay nasa Wao at ang 10,000 ay nasa Amai Manabilang. Dahil “special economic zone,” tatamasa ng maraming insentiba ang mga dayuhang kumpanya dito tulad ng di pagbabayad ng buwis sa kita, VAT at taripa sa inaangkat nitong mga materyal. May diskwento rin ang mga ito sa upa, kuryente at tubig.

Mula 2020, di bababa sa limang malalaking kumpanya ang ipinasok ng SPDA sa “espesyal na sonang agrikultural.”

Pinakamalaki dito ang EcoPlanet Bamboo, isang Amerikanong kumpanya, na binigyan ng SPDA ng inisyal na 8,360 ektarya sa 10 barangay sa hangganan ng Amai Manabilang at Talakag, Bukidnon. Sa kasalukuyan, nasa 2,000 ektarya na ang natamnan nito ng komersyal na kawayan. Balak ng kumpanya na magtanim ng kabuuang 100,000 puno, sa tantos na 500 puno kada ektarya.

Inilalako ng EcoPlanet Bamboo ang plantasyon ng kawayan bilang “proyektong maka-kalikasan” na muling bubuhay sa kalbo nang kagubatan. Pero sa ibang bahagi ng mundo, napatunayan nang isang “scam” ang proyekto at ang kumpanya mismo. Kaduda-duda ang pagmamay-ari ng kumpanya, lubog ito sa utang at mapanlinlang ang mga pangako nito na trabaho, pag-unlad at pangangalaga sa kalikasan.

Dagdag sa mga nang-agaw ng lupa ang Asia-Pacific Precision Agriculture Group, isa ring Amerikanong kumpanya. Sinaklaw nito ang 2,000 ektarya at tinamnan ng mais gamit ang abanteng teknolohiya kaya wala itong nalikhang bagong trabaho. Sinira nito ang kalapit na kagubatan para maglatag ng kalsada para mas madaling ipasok ang mga makina at sasakyang gamit sa produksyon.

Ginawaran din ng SPDA ng lupa ang Kennemer Foods International at Sumifru. Ang Kennemer ay isang kumpanyang Pilipino na pinopondohan ng bangkong Dutch at nagsusuplay ng kakaw sa Mars Inc, isang Amerikanong kumpanya. Samantala, ang Sumifru ay isang kumpanyang Japanese na nagpoprodyus ng saging para sa mga merkado ng Japan, Thailand, South Korea at Saudi Arabia. Kasalukuyan itong “umuupa” ng mga lupa sa tantos na ₱25,000/taon o ₱2,038 kada buwan.

Nakatakda ring pumasok ang iba pang dayuhang kumpanya kape tulad ng Nestle (kape), RNF Industries Corporation (abokado) at iba pang produktong pang-eksport.

 Marahas na pagpapalayas

Hindi totoo ang sinabi ng SPDA na bakante ang mga lupang sinaklaw ng AIDP, o na ang mga ito ay “nakalbong kagubatan.” Okupado at binunbungkal ang kalakhan ng mga ito ng mga Moro, Lumad at setler na magsasaka sa matagal nang panahon. Malaking bahagi nito ay lupang ninuno ng mga Maranao at Higaonon.

Sinamantala ng SPDA ang kawalan ng ligal na katibayan ng mga Moro, Lumad at setler para agawin ang kanilang mga lupa. Ipinademolis ng ahensya ang mga kabahayan at binuldoser ang mga sakahan, kabilang ang ekta-ektaryang tubuhan, gulayan at maisan. Isinagawa ang mararahas na demolisyon at mga pagpapalayas gamit ang mga sundalo at pulis, gayundin ang mga elemento mula sa CAFGU, MILF at private army ng pamilyang Manabilang.

May mga pamilyang inagawan nang hanggang 30 ektaryang sakahan, kabilang yaong mga magsasaka ng gulay tulad ng karots, repolyo, patatas at iba pa. Marami ang tumangging lumipat sa relocation site kung saan ang alok ay 40 metro kwadradong lupa lamang kada pamilya. Ang mga nakiusap na manatili sa mga sakahan ay binigyan lamang ng sangkapat (1/4) na ektarya.

Ang ibang napalayas na magsasaka ay pinatrabaho sa mga plantasyon ng Sumifru. Napakababa na ng isinasahod sa kanila, madalas pa itong nahuhuli. Wala silang mga benepisyo at katiyakan sa trabaho.

Sa kaso ng EcoPlanet, tinamnan ng kawayan ang mga sakahang mayroon pang mga nakatanim. Nagtanim din ang mga tauhan nito ng binhi hanggang tarangkahan ng mga kabahayan. May ibang pinwersang “i-donate” ang kanilang lupa sa kumpanya.

Sa lahat ng ito, kasabwat ang pamilyang Manabilang na naghahari sa lokal na gubyerno. Ginawa nitong “sampol” ang pag-aresto sa ilang tumangging umalis sa lupa, pagkulong sa kanila at pagpataw ng mataas na pyansa para pagbantaan ang mga lumaban. Naghahari sa pamamagitan ng teror ang pamilyang Manabilang. Bantog ito sa masaker ng 17 setler na Ilonggo noong 2014.

Gayunpaman, may mga hindi natinag at pinagbubunot ang mga bagong tanim na kawayan sa mga sakahan. May mga pagkakataon ring napigilan ng mga residente ang pagbuldos ng kanilang tubuhan. Nanawagan sila sa mga upisyal, at minsan pang tumungo sa Cagayan de Oro para magsagawa ng kilos protesta. Ang lahat ng ito’y panimula pa lamang at maaaring maging puhunan sa susunod nilang laban.

Pang-aagaw ng lupa para sa dayuhang mga plantasyon, laganap sa Lanao del Sur