Tumitinding agresyon ng mga plantasyong komersyal sa ilalim ng rehimeng US-Marcos

,

Walang habas ang pagpapalawak ng mga plantasyong komersyal sa ilalim ng rehimeng US-Marcos na umaagaw sa lupa at kabuhayan ng mga magsasaka, manggagawang-bukid at mga katutubo sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong Agosto 3, inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) ang pagbuo ng Joint Memorundum Circular na kinabibilangan ng 38 pambansang ahensya ng gubyerno upang pabilisin ang pag-apruba sa mga tinaguriang estratehikong pamumuhunan sa sektor ng agrikultura at pangingisda. Nakatuon ang DA sa pagpaparami ng ineeksport na produkto na mataas ang halaga tulad ng palm oil, saging, pinya, kakaw, kape, kawayan, goma at iba pa, at pagpapalawak ng mga lupaing maaaring sakupin ng mga korporasyon para sa kanilang plantasyon sa pamamagitan ng “industry road maps” o plano sa pag-papaunlad sa produksyon.

Matapos pirmahan ni Marcos ang bagong batas na magpapahintulot sa 99-taong pagpapa-upa ng lupa sa mga dayuhang korporasyon, tiyak na mas dadami pa ang mga plantasyong itatayo sa bansa. Lalong mawawalan ng seguridad sa pagkain ang bansa bunga ng paliit nang paliit na nailalaan para sa produksyon ng palay, gulay at iba pang pagkain, dagdag pa sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupa para sa real estate at engrande at maka-dayuhang imprastruktura.

Agresibong inaagawan at pinagkakaitan ang mga magsasaka at katutubo ng lupang matatamnan. Marami sa kanila ay natataboy sa mga liblib at napupwersang pumasok sa iba’t ibang hanapbuhay. Ang iba ay ginagawang kontraktwal na manggagawa ng mga korporasyong kumakamkam sa kanilang lupa. Kabilang ang mga mangagawa sa mga plantasyon sa tumatanggap ng pinakamababang sahod.

Paglawak ng mga plantasyon

Ang Pilipinas ang ikatlong pinakamalaking taga-eksport ng saging sa mundo. Nasa 450,000 ektarya ang kabuuang plantasyon ng saging sa bansa. Pinakamalaki sa mga ito ang Dole Philippines na may 20,000 ektaryang plantasyon sa Davao at Bukidnon. May plano itong palawakin nang 12,000 ektarya ang plantasyon nito sa susunod na panahon. Ang iba pang malalaking plantasyon ay ang sa Tagum Agricultural Development Company sa Panabo, Davao City, Sumifru Corp., Lapanday Foods Corp. at Unifrutti Tropical Philippines. Sa Davao, kung saan naroon ang mayorya ng mga plantasyon, nasa ₱476/araw ang karaniwang sahod ng manggagawang-bukid.

Noong Hulyo, inanunsyo ng Phividec na ipauupa nito sa Del Monte Phil. Inc.(DMPI) ang 226.4 ektaryang lupain sa special economic zone sa Misamis Oriental, na nakakategorya para sa gamit industriyal. Planong gawing plantasyon ng pinya at papaya ang lupa. Maliban pa dito, may 30,000 ektaryang plantasyon ng pinya ang DMPI sa Bukidnon at Misamis Oriental na tinaguriang pinakalamaking plantasyon sa buong mundo. Sa kabila ng dambuhalang kita ng kumpanya, nasa ₱461/araw lamang ang sahod ng mga manggagawa sa plantasyon.

Aabot sa 1,000 pamilya ang mapapalayas at 1,000 magsasaka ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagtayo ng 6,000 ektaryang plantasyon ng oil palm ng kumpanyang Consunji at Hacienda Asia Plantations. Inc.sa Candoni, Negros Occidental. Nasa ₱488/araw ang miminum na sahod ng mangagawang-bukid sa plantasyon. Sa tala ng estado noong 2022, nasa 63,380.85 ektarya ang kabuuang lawak ng plantasyon ng oil palm sa bansa, plano ng DA na palawakin pa ang saklaw nito tungong 117,212 ektarya sa taong 2033.

Liban sa mga ito, nakatakda ring palawakin ang mga komersyal na plantasyon sa kape at kakaw sa SOCCSKSARGEN, Davao, at BARMM; at mangga sa Pangasinan, Isabela, Pampanga, Cebu City, at Zamboanga City.

Bilyun-bilyong dolyar ang iniuuwing kita ng mga dayuhang korporasyong may-ari ng mga plantasyon sa Pilipinas. Wala itong pakialam sa idinudulot nitong matinding pagkasira ng kalikasan. Ang malawakan at walang rendang paggamit ng mga kemikal na pestisidyo at pataba ay lumalason sa lupa at katubigan, at nagdudulot ng matitinding sakit sa mga manggagawang-bukid at kanilang pamilya.

Kapag inabandona, ang mga plantasyon ay hindi na matamnan dulot ng ilang dekadang paggamit ng kemikal na pestisidyo at pataba. Inaabot ng dekada bago muling mapakinabangan o bumalik sa dating sigla ang mga lupaing ginawang plantasyon.

Tumitinding agresyon ng mga plantasyong komersyal sa ilalim ng rehimeng US-Marcos