Panagutin si Marcos sa madudugong krimen sa digma
Sukdulang kahangalan ang ginawang pagpapasinaya ni Marcos sa pagpupulong ng Asia-Pacific Regional Conference on International Humanitarian Law (IHL o internasyunal na makataong batas) sa Makati City noong Agosto 11−14. Sa harap ng kinatawan ng iba’t ibang mga bansa, nagpanggap si Marcos na maamo at masunurin sa mga prinsipyo at alituntunin ng IHL. Garapalang nagsinungaling si Marcos para pagtakpan ang duguang rekord ng kanyang rehimen sa paghahasik ng terorismo ng estado at pagsusulong ng walang habas na digma laban sa bayan.
Habang idinadaos ang kumperensya sa Makati, nagpalipad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga jetfighter noong madaling araw ng Agosto 13 at naghulog ng ilang 500-librang bomba sa prubinsya ng Bukidnon. Niyanig ng mga ito ang mga bundok at mga kalapit na komunidad ng mga Lumad at magsasaka sa Barangay Dumalaguing sa bayan ng Impasug-ong.
Ilang araw bago nito, mabibigat na bomba rin ang yumanig sa kalupaan ng Barangay San Isidro, sa Las Navas, Northern Samar, na inihulog ng AFP nang alas-2 ng umaga, hindi malayo sa komunidad ng mga katutubong Mamanwa sa lugar. Noon namang madaling araw ng Agosto 2, mabibigat na bomba rin ang inihulog ng AFP sa Barangay Maguibay sa Tagkawayan, Quezon, hindi malayo sa komunidad ng mga magsasaka.
Ang paghuhulog ng mabibigat na bomba mula sa ere ay tahasang paglapastangan ng pasistang rehimeng Marcos sa IHL. Tuwirang inilalagay nito sa peligro ang buhay ng mga sibilyan. Winawasak at nilalason nito ang lupa at kagubatang pinagkukunan ng kabuhayan at iba pang rekurso ng mga katutubo. Hatid nito’y malalim na troma at takot sa mga komunidad. Taliwas din ito sa batas na nagbabawal sa labis na mapamuksang mga sandatang nagdudulot ng malawak na pinsala.
Ang IHL o mga batas sa digmaan ay kulumpon ng mga alituntunin at protokol sa kondukta ng armadong sigalot. Nakatuon ang mga ito pangunahin sa paggalang sa mga karapatan, at pangangalaga sa kapakanan at kagalingan ng mga taong hindi kalahok o hindi na kalahok sa labanan: mga sibilyan, gayundin ang mga sugatan, may sakit at mga bihag sa digma na pawang wala na sa katayuang lumaban.
Liban sa paghuhulog ng bomba, labag din sa mga batas ng digmaan ang marahas na pagkontrol ng AFP sa mga sibilyang komunidad, pagboblokeyo sa pagkain at komersyo, pwersahang pagpapalikas at konsentrasyon sa mga evacuation center, pagdeklarang “no man’s land” sa kanilang mga barangay, pagbabawal na magtrabaho sa bukid at kaingin, pagkakarpyu, pwersahang pagrekrut sa CAFGU, pagpapatrabaho sa mga tao (kabilang ang pag-iigib ng tubig) na walang karampatang bayad, paggamit ng imprastrukturang sibilyan at iba pang hakbangin ng pagpapataw ng kapangyarihan ng militar.
Sa tangkang pigilan ang mamamayan na magbuklod, magpahayag ng kanilang hinaing at lumaban, ipinapataw ng AFP ang batas militar sa mga barangay at komunidad. Walang habas ang paglabag sa mga demokratikong karapatan. Binubuwag ng militar ang sariling mga organisasyon ng taumbaryo, pwersahan silang “pinagsusurender,” at sinisindak upang sumapi sa mga organisasyong itinatayo ng AFP. Ang sumusuway sa utos ng AFP ay itinuturing na sumusuporta sa BHB at pinupuntirya ng walang katapusang pambabanta at target ng pamamaslang. Mula nang maupo si Marcos, kaliwa’t kanan ang pagpaslang at pagmasaker ng AFP sa mga sibilyan, at pagkatapos ay bibihisan ang mga bangkay at palalabasing mga mandirigma ng BHB.
Tahasang pagyurak din sa mga batas ng digmaan ang sadyang pagpatay sa mga rebolusyonaryo at mga hors de combat (mga mandirigma na wala na sa katayuang lumaban). Kabilang sa mga biktima ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria at pito nilang kasamahan. Dinakip sila habang bumibiyahe sa Catbalogan, Northern Samar, isinailalim sa tortyur bago pinaslang at tuluyang pinasabog ang mga bangkay sa gitna ng dagat. Mula nang maupo si Marcos noong 2022, halos 80 nang mga nabihag ng kanyang mga armadong galamay ang brutal na pinatay. Hindi rin iilan ang dinakip, iligal na ikinulong sa mga sikretong kulungan sa mga kampo militar sa tangkang pabaligtarin sila sa kanilang paniniwala.
Ang lahat ng kahindik-hindik na krimeng ito ni Marcos sa ilalim ng IHL ay ipinag-utos niya sa kanyang mga upisyal at pasistang galamay sa militar at pulis. Nagsisilbi ang lahat ng ito sa imbing layunin na durugin ang armado at hindi armadong paglaban ng sambayanang Pilipino. Ang kamakailang deklarasyon ni Marcos na “wala nang grupong gerilya” sa Pilipinas ay hudyat ng lalong madugong kampanya ng panunupil laban sa sambayanan, at ng mas malalala pang krimen.
Inuudyok, pinopondohan at inaarmasan ng imperyalistang US ang madugong gerang ito ng paglipol sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Kumikita ng malaki ang imperyalismong US sa pagsuplay nito ng malalaking bomba, mga bala ng kanyon, mga jetfighter, pang-atakeng helikopter, drone at iba pang sandata at kagamitang militar. Pakay ng US na durugin ang lahat ng pwersang patriyotiko at progresibo upang “tahimik” at walang pagtutol na makapangamkam ng lupa at makadambong sa likas na yaman ng bansa ang mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan, at upang maitatag nito ang kapangyarihang militar sa bansa.
Duguan ang mga kamay ni Marcos sa dami ng kanyang krimen sa mga batas ng digmaan. Hindi mapagtatakpan ng kanyang mga buladas ang kaliwa’t kanang malalalang kaso ng pag-abusong militar at paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Dapat gawin ang lahat ng makakaya upang panagutin si Marcos at ang kanyang mga alipures, at ipaglaban ang katarungan para sa lahat ng biktima ng kanilang kalapastanganan.
Ang pagsidhi ng pasistang pananalasa ng rehimeng US-Marcos ay salamin ng lumulubhang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Para panatilihin at ipagtanggol ang mapang-api at mapagsamantalang sistema, sabayang ginagamit ng naghaharing rehimen ang marahas na panunupil at panlilinlang sa tangkang sugpuin ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Subalit kahit gaanupaman katindi at kalawak ang kalupitang inihahasik ng rehimeng US-Marcos, babangon at babangon ang bayan upang ipagtanggol ang kanilang kagalingan, mga karapatan, buhay at kabuhayan. Sa pamumuno ng Partido, at kaagapay ang Bagong Hukbong Bayan, hindi matitinag ang bayan sa kanilang paglaban. Hindi kailanman mauupos ang kanilang determinasyon na isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya.