Lumalakas ang sigaw ng mamamayang Korean kontra sa imperyalismong US

,

Patuloy ang pagsikad ng malawak na anti-imperyalistang kilusang masa sa South Korea. Pinapanday ng mamamayang Korean ang kanilang pagkakaisa para kamtin ang ganap na demokrasya at pagpapalaya mula sa okupasyon ng US. Ang lumalaking pagkilos na ito ay kasunod ng malawak na protesta noong huling bahagi ng 2024 at unang kwarto ng 2025 laban sa maka-US na papet na pangulo ng bansa. Sa nagdaang mga linggo, nagsagawa ang mga grupo sa South Korea at US ng mga porum, malalaking pagtitipon at mga demonstrasyon para patibayin ang kanilang paninindigan.

Martsa para sa paglaya

Noong Agosto 15, libu-libong South Korean ang nagmartsa sa Seoul, South Korea para igiit ang pagpapalayas sa US at mga base militar nito sa bansa, pagtigil ng mga war games, at pagsasamantala nito sa ekonomya. Itinaon ang pagkilos sa ika-80 anibersaryo ng paglaya ng South Korea noong 1945 mula sa pananakop ng imperyalistang Japan. Pinamunuan ang protesta ng Korean Confederation of Trade Unions (KCTU).

Napakalaking banta ng imperyalismong US sa buhay at kapayapaan sa Korean Peninsula, ayon sa KCTU. Batid ng mga Korean ang panganib na dala ng mga US-South Korea war games tulad ng Ulchi Freedom Shield 2025, na inilunsad simula Agosto 18 at tatagal hanggang Agosto 28.

Naniniwala ang masang South Korean na ginagamit ang mga war games na ito para kaladkarin ang kanilang bayan sa gera ng US laban sa katunggaling imperyalistang China. Liban sa South Korea, daan-daan ring mga war games ang inilulunsad ng US sa ibang bahagi ng Asia-Pacific, kabilang sa Pilipinas.

Nagmartsa ang mga grupo patungo sa Ganghwamun, Seoul kung saan nagtalumpati si South Korean President Lee Jae Myung. Malayo pa ay hinarang na sila ng mga pulis.

Binatikos nila ang pangulo sa nakatakda nitong pakikipagpulong kay US President Donald Trump sa darating na Agosto 25. Naniniwala sila na ang pulong ay maghahatid lamang ng higit pang ganansya sa US at kahirapan sa masang South Korean.

Itinutulak ni Trump sa South Korea ang taunang pagbabayad nito ng $10 bilyon para pondohan ang okupasyon ng US mula sa dating $1.13 bilyon sa ilalim ng Special Measures Agreement. Itinutulak din niyang dagdagan ang gastos sa depensa tungong 5% ng gross domestic product (GDP) para ipambili ng armas mula sa US sa halagang $87 bilyon. Itinutulak rin ni Trump na sang-ayunan ni Myung ang bagong mga kasunduan hinggil sa pagpapakat ng mga tropa ng US sa South Korea kontra China. Magpapataw rin si Trump ng 25% taripa sa mga produkto ng bansa.

Isang araw bago nito, nagprotesta ang mga grupo sa pinakamalaking dayuhang base militar ng US sa Camp Humphreys sa Pyeongtaek, Gyeonggi.

Sa US, pinangunahan ng Korean na grupong Nodutdol ang mga demonstrasyon sa iba’t ibang estado ng US noong Agosto 15-16 para ipanawagan ang pagpapalayas ng US sa Korea.

People’s Summit for Korea

Higit 500 delegado mula sa US, South Korea at mga bansa sa Europe ang dumalo sa kauna-unahang “People’s Summit for Korea: Towards National Liberation” sa New York City noong Hulyo 25-27. Pinangunahan ng Nodutdol ang aktibidad na nilahukan din ng mga grupong pambansa-demokratikong Pilipino na nakabase sa US tulad ng Bayan-USA.

Ipinatawag ang pagtitipon bilang tugon sa pagtindi ng aktibidad militar ng US sa Korean Peninsula simula nang magsara ang mga negosasyon sa pagitan ng US at North Korea noong 2019. Mula noong 2022, lubhang dumami at tumindi ang mga US-South Korea war games. Nagsagawa ang US Forces Korea ng 200 araw ng mga war games sa Korea noong 2023, at 275 araw ng mga pagsasanay noong 2024.

Sa loob ng dalawang araw ng programa, ibinahagi ng mga aktibista sa People’s Summit ang mga pananaw at aral mula sa mga pakikibaka sa Korean Peninsula para palayasin ang mga base militar ng US, mapayapang wakasan ang Korean War, at itaguyod ang mga demokratikong karapatan. Nagbahagi ang mga aktibistang grupo sa US ng kanilang mga pagsisikap na tutulan ang pagpapalawak ng badyet militar ng US at iba pang patakaran ni Trump.

Lumalakas ang sigaw ng mamamayang Korean kontra sa imperyalismong US