Mga mandirigma ng MILF, inatasang huwag pumaloob sa decommissioning ng GRP
Inatasan ng Moro Islamic Liberato Front (MILF) ang lahat ng mga mandirigma ng Bangsamoro Islamic Armed Forces at iba pang ahensya na mahigpit na tumalima sa resolusyon ng Komite Sentral ng MILF na nagsuspinde sa implementasyon ng proseso ng pag-dekomisyon ng BIAF. Naglabas ito ng bagong memorandum noong Agosto 16 kung saan inutos nito sa lahat ng kumander at pangalawang kumander ng larangan, pinuno ng ibang ahensya at kanilang mga kinatawan na huwag lumahok sa anumang aktibidad para sa decommisioning o normalisasyon na unilateral na inorganisa ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) nang walang naunang nakasulat na pahintulot o awtorisasyon mula sa tagapangulo ng MILF.
Babala ng kautusan, ang hindi pagsunod ay ituturing na “seryosong paglabag sa disiplina ng kumand” at sinumang di tatalima ay posibleng mahaharap sa aksyong administratibo at pandisiplina. Isinuspinde ng MILF ang proseso ng decommissioning dahil sa kapalpakan ng GRP na tuparin ang maraming probisyon na dapat kasabay nito.