Mga protesta
Itaguyod ang IHL, papanagutin si Marcos. Daan-daan ang nagmartsa tungong Mendiola sa Maynila noong Agosto 19 para gunitain ang ika-76 na anibersaryo ng International Humanitarian Law (IHL) at panagutin ang rehimeng US-Marcos sa seryosong paglabag nito sa naturang mga panuntunan. Kinundena rin nila ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ng rehimen na tinawag nilang “pambansang plano para sa terorismo ng estado.”
Noong Agosto 13, sinugod ng mga progresibong grupo ang Asia-Pacific Regional Conference on IHL na noo’y ginaganap sa Makati City. Kinundena nila ang pangunguna sa kumperensya ng rehimeng Marcos na tinawag nilang numero unong tagalabag ng IHL sa bansa. Isang araw bago nito, nagtipon ang mga estudyante sa UP Diliman para gunitain ang Araw ng IHL at ilantad ang seryosong paglabag ng rehimeng Marcos dito, kabilang sa mga katutubong mamamayan.
Baligtarin ang desisyon. Tumungo ang mga progresibong organisasyon sa Korte Suprema noong Agosto 12 para igiit na baligtarin nito ang desisyon na nagbasura sa impeachment complaint laban kay Sara Duterte na ipinasa ng Kongreso sa Senado.
Laban sa demolisyon sa Smokey Mountain. Nagprotesta sa harap ng Manila City Hall ang mga residente ng Smokey Mountain noong Agosto 18 para igiit sa alkalde ng syudad na si Isko Moreno na makipagdayalogo sa kanila dahil sa mga banta ng pagpapalayas sa kanilang komunidad. Isinasagawa ang demolisyon para sa 100 megawatt na Waste-to-Energy (WTE) Incineration Plant na itatayo sa lugar.