Hors de combat sa Mindoro, sadyang pinaslang

,

Dinakip at sadyang pinaslang ng mga elemento ng 1st IB at 203rd IBde si Ising Domingo (Ka Mutya), isang hors de combat na Pulang mandirigma, noong Agosto 7 sa Barangay Happy Valley, Roxas, Oriental Mindoro. Nag-iigib siya ng tubig nang nadakip at ipinailalim sa tortyur nang walang makuhang impormasyon sa kanya ang mga berdugo.

Sa kamay ng parehong yunit ng militar, dumanas ng panggigipit at panghaharas ang grupo ng Karapatan-Southern Tagalog na naglunsad ng independyenteng fact-finding mission sa bayan ng Roxas noong Agosto 9-11. Tinakot at hinaras ng mga sundalo ang tahimik na protesta at piket ng tim sa harap ng punerarya kung saan nakalagak ang bangkay ng mga napaslang.

Kasunod nito, naitala ng grupo ang pagnanakaw at pagtatakbo ng mga sundalo ng 203rd IBde sa mga bangkay nina Ka Mutya, at isa pang Pulang mandirigma na napatay sa labanan na si Jomari Palomar (Ka Jonnel), sa kalagitnaan ng gabi. Nalantad din sa imbestigasyon ang pagkubabaw ng paghaharing militar sa sibilyang gubyerno ng Roxas.

Noong nakaraang linggo, sapilitang pinalikas ng mga sundalo ang higit 1,000 pamilya mula sa mga barangay ng Lantuyang, San Ignacio, Bayanan, at Bangkatan sa Baco, Oriental Mindoro. Isinagawa ito ng militar para i-sona ang mga residente kasunod ng mga labanan sa BHB noong Agosto 9 at Agosto 12 sa Baco. Pinerwisyo at niligalig nito ang araw-araw na buhay ng masa.

Pambobomba. Noong Agosto 2, nagsagawa ng aerial bombing at pag-istraping ang 201st IBde sa kagubatang hangganan ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte. Tugon ito ng militar sa naganap na engkwentro sa BHB noong umaga ng araw na iyon. Lubhang ginambala ng pambobomba ng AFP ang payapang komunidad ng mga residente.

Dumanas ng panggigipit mula sa pulis at militar ang grupo ng Tanggol Quezon na nagsagawa ng fact-finding mission kaugnay ng mga pambobomba ng militar sa prubinsya. Nilayon nilang alamin ang kalagayan ng sibilyang populasyon sa harap ng pinabagsik na operasyong kombat at paghaharing militar.

Pagdakip. Sa walang malinaw na dahilan, dinakip ng 77th IB ang mga magsasakang sina Belmar Garvida at Ferdinand Bangngad (Willy) sa Sityo Salicsic, Barangay Dampig, Pagudpud, Ilocos Norte noong Agosto 11 ng gabi. Makalipas ang ilang oras, ibinalik ng mga sundalo sa komunidad si Garyida habang naiwan sa kustodiya ng militar si Bangngad. Madalas na dumaranas ng pagmamanman, panggigipit at intimidasyon ang mga biktima at ang tribo sa lugar dahil sa kanilang paninindigan laban sa proyektong Cabacanan Dam.

Hors de combat sa Mindoro, sadyang pinaslang