Tuwirang pagsakop ng US-Israel sa buong Gaza, paglipol sa mamamayang Palestino
Nitong Agosto, idineklara ng Zionistang estado ng Israel ang balak na tuwiran nang sakupin ang buong Gaza Strip, matapos ang halos dalawang taon nitong pambobomba sa isang brutal na henosidyo laban sa mga Palestino. Pinagtibay ang plano sa pulong ng gabinete ni Benjamin Netanyahu noong Agosto 7-8. Ilang linggo bago nito, nanawagan rin ang parlamento ng Israel na sakupin ang buong West Bank.
Ang mga hakbang na ito ay panibagong antas ng pagtindi ng henosidyo ng US-Israel na may layuning lipulin ang mamamayang Palestino.
Itinutulak ni Netanyahu ang pagsakop ng Israel sa Gaza sa gitna ng tumitinding galit ng mamamayang Israeli laban sa kanyang gubyerno, dahil sa kabiguang mabawi ang mga bihag ng Palestinong grupong Hamas, at dahil sa brutalidad laban sa mga Palestino. Sunud-sunod ang malalaking protesta, habang dumarami ang mga kabataang Israeli na tumatangging pumasok sa militar bilang protesta sa ginagawa nitong henosidyo.
Lubhang kinamumuhian na ng napakaraming bansa at mamamayan ang Zionistang rehimen. Mula nang paigtingin nito ang kampanyang henosidyo, walang lubay ang mga pagkilos at aksyon ng milyun-milyong mamamayan sa buong mundo na tumitindig para sa pagpapalaya ng Palestine.
Halos 90% na ng teritoryo ng Gaza ang kontrolado ng mga pwersa ng Israel. Ang natitira na lamang ay ang Gaza City at mga refugee camp sa gitnang Gaza. Nakasiksik ang dalawang milyong Palestino sa mga lugar na ito kung saan dumaranas sila ng araw-araw na pambobomba at pananalakay, matinding gutom at kahirapan.
Alinsunod sa plano, bibigyan ang mga Palestino nang hanggang Oktubre 7, sa araw ng ikalawang taon mula nang simulan ng Israel ang mga atake, para lumikas mula sa Gaza City, ang pinakamalaking syudad sa loob ng engklabo. Kasunod nito ay maglulunsad ng malawakang atake ang Zionistang militar sa syudad at iba pang hindi nasasakop na bahagi ng buong Gaza. Diumano, ang plano ay para wakasan ang Hamas, pagtatapos sa gera at “paghahatid ng makataong ayuda” sa mga sibilyan.
Tinawag ng mga grupong Pilipino ang planong ito na “kahindik-hindik.” Kinundena rin ng mga grupo sa iba’t ibang bansa, internasyunal na mga institusyon at mga mamamayan ang naturang plano.
Mula pa Marso, absolutong ipinagbawal ng Israel ang paghahatid at pamamahagi ng ayuda. Tanging ang tinaguriang “Gaza Humanitarian Foundation (GHF),” na magkatuwang na pinatatakbo ng mga pwersang militar ng US at Israel, ang pinayagan nitong mamahagi ng pagkain. Hindi bababa sa 859 Palestino ang sadyang pinatay ng mga sundalong Israeli habang nakapila sa mga distribution site ng GHF. Dagdag sila sa mga napatay habang nag-uunahan sa napakasalat na pagkaing ayuda.
Umabot na sa walang kapantay ang gutom sa Gaza. Umaabot sa 210 Palestino, karamiha’y bata, ang namatay dahil sa gutom. Noong Hulyo lamang, 74 ang namatay dahil sa malnutrisyon, marami nakaratay na, kabilang ang mga batang wala pang limang taong gulang. Dagdag sila sa mahigit 60,000 na direktang pinatay at 150,000 ang nasugatan sa pambobomba at pang-aatake ng Israel sa 22-buwang henosidyo. Kinundena ng napakarami nang bansa ang paggamit ng US at Israel sa pagkain bilang armas sa pagsupil sa mapanlabang diwa ng mga Palestino.
Wala pa ring tigil ang pambobomba at pang-aatake ng Israel sa Gaza Strip. Noong Agosto 10, napatay sa pambobomba ng US-Israel ang mamamahayag na si Anas al-Sharif, kasama ang isa pang korespondent ng Al Jazeera na si Mohammed Qreiqeh at ang kanilang mga camera operator na sina Ibrahim Zaher, Mohammed Noufal at Moamen Aliwa.
Lubhang paglabag ito sa ilalim ng internasyunal na makataong batas kung saan itinuturing na protektadong mga indibidwal ang mga mamamahayag sa gitna ng armadong sigalot. Mula 2023, lampas 200 mamamahayag na ang sadyang pinatay ng US-Israel sa Gaza.