Itigil ang henosidyo sa Palestine

,

Magkahiwalay na mga protesta ang inilunsad ng mga grupong Moro at Pilipino para mahigpit na kundenahin ang pagtindi ng henosidyo ng US-Israel sa Gaza nitong nagdaang mga linggo at ipanawagan ang agarang pagtigil ng mga atake, igiit ang pagpapapasok ng ayuda at kalayaan para sa mga Palestino.

Noong Agosto 15, umabot sa 1,300 Moro sa Marawi City para sa isang “mapayapang pakikipagkaisa at demonstrasyong masa para sa Gaza.” Nagmartsa sila mula Masjed Bato tungong Sarimanok Stadium sa Ground Zero ng syudad, ang lugar na pinulbos ng matinding pambobomba ng rehimeng Duterte at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 2017. Inihalintulad nila ang pagwasak ng AFP sa kanilang syudad sa ginagawang pambobomba ngayon ng pwersang US-Israel sa Gaza. Bago nito, nagkaroon ng “walk for peace” sa syudad noong Agosto 9.

Noon ding Agosto 9, nagsagawa ng indignation rally ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Moro-Christian Peoples Alliance at Philippine-Palestine Friendship Association sa Quezon City para kundenahin ang pagpasa ng gabinete ng Israel ng desisyon para tuwiran nang sakupin ng militar nito ang Gaza.

Noon namang Agosto 13, nagprotesta ang mga mamamahayag, grupong kabataan at midya sa loob ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City para kundenahin ang panibagong kaso ng pamamaslang ng US-Israel sa mamamahayag sa Palestine.

Itigil ang henosidyo sa Palestine