Marcos at AFP, napahiya sa sunud-sunod na armadong aksyon ng BHB
Malaking sampal sa mukha ng rehimeng US-Marcos at mga upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sunud-sunod na armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilang mga prubinsya sa bansa. Kasunod ito ng pahayag ng rehimen na “wala nang grupong gerilya” noong Hulyo sa ika-4 na SONA.
Noong Agosto 12, tatlong sundalo kabilang ang isang kapitan ng 1st Scout Ranger Regiment sa ilalim ng 203rd IBde ang napatay sa ikalawang labanan sa araw na iyon ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) at militar sa Barangay Lantuyang 2, Baco, Oriental Mindoro. Nabaril sa ulo at kaagad namatay ang lider ng yunit na si Capt. Marky John Alberto. Tatlong pasistang sundalo pa ang nasugatan.
Ilang araw bago nito, isang sundalo ng 203rd IBde ang napatay ng BHB-Mindoro sa aktibong depensa laban sa umaatakeng yunit ng kaaway sa Barangay Mangangan 2 sa Baco noong Agosto 9 ng umaga.
Sa Quezon, pinaulanan ng bala ng isang yunit ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command) ang isang bagong tayong kampo militar ng 85th IB sa Barangay Cogorin Ibaba, Lopez noong Agosto 2. Isinagawa ng yunit ang panghaharas ng alas-7:30 ng gabi.
Ikinatuwa ng mamamayan ng Quezon ang pag-atake dahil nais nilang panagutin sa mga krimen ang berdugong batalyon at mabigyan ng hustisya ang kanilang mga biktimang magsasaka.
Sa Capiz, binigo ng BHB-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr Command) ang pag-atake ng 12th IB laban sa isa nitong yunit sa hangganan ng Barangay Artuz at Barangay Apero sa bayan ng Tapaz noong Hulyo 19. Aktibong nakapagtanggol ang hukbong bayan laban sa tropa ng militar sa pamamagitan ng maagap na paghahanda at paglunsad ng kontra-atake.
“Sa gulat ng militar, parang mga asong ulol sila sa kanilang walang patumanggang pagpapaputok,” ayon sa BHB-Central Panay. Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, naghabi ng kwento ang 12th IB, kasama ang 3rd ID, ng gawa-gawa nilang tagumpay laban sa BHB.