Badyet 2026: Badyet pambayad-utang, para sa korapsyon at pasismo

,

Walang pinag-iba ang layunin at diin ng pambansang badyet para sa 2026 sa badyet ng nakaraang mga taon. Nakatuon pa rin ito sa pagbabayad ng utang, pagbubundat sa mga burukrata-kapitalista at kasabwat nilang mga burgesyang kumprador, at pagwawaldas sa dambuhalang pasistang makinarya ng estado.

Sa halagang ₱6.79 trilyon, mas malaki nang 7.4% ang isinumiteng 2026 National Expenditure Program ni Ferdinand Marcos Jr kumpara sa badyet sa 2025. Pinakamalaking tipak nito, o mahigit ₱2 trilyon, ay pambayad-utang. Ang ₱950 bilyon nito ay para lamang sa interes, na mas mataas nang ₱102 bilyon kumpara sa kasalukuyang taon. Nasa ₱1.1 trilyon naman ang nakalaang bayad para sa prinsipal na utang. Sa ilalim ni Marcos, nadagdagan ng ₱3.26 trilyon ang utang ng Pilipinas, na nasa ₱17.27 trilyon na noong Hunyo. Malala pa, mangungutang na naman si Marcos ng ₱2.68 trilyon para punan ang depisit o kakulangan sa badyet.

Tulad sa nakaraan, malaking bahagi ng badyet, o ₱1.56 trilyon, ay para sa mga engrandeng proyektong imprastruktura, karamihan mga kalsada at sistema ng transportasyon. Nakapailalim ang mga proyektong ito sa programang Public-Private Partnership, na ngayon ay bahagi na rin ang Luzon Economic Corridor na nakatakdang tutustusan ng mga utang mula sa US at Japan. Dala ng grandyosong mga proyektong ito ang malawakang pagpapalayas, pag-agaw sa kabuhayan at pagwasak sa kapaligiran.

Bahagi din ng badyet pang-imprastruktura ang ₱274.9 bilyong para sa mga proyektong “flood control.” Taliwas sa buladas ni Marcos na “mahiya naman” ang mga sangkot sa palpak na mga proyektong ito, patuloy niyang binubuhusan ang mga ito ng pondo. Mula 2022 hanggang 2025, naglaan si Marcos ng ₱545 bilyon para rito.

Ipinagmamayabang ng rehimen ang pagtaas sa pondo para sa edukasyon, kalusugan at pabahay, subalit kulang na kulang pa rin ito para sa pangangailangan ng sektor. Tumaas nang 18.9% tungong ₱928.52 bilyon ang badyet ng Department of Education , pero halos para lamang ito sa isahang dagdag alawans na ipinaglaban ng mga guro (mula ₱5,000 tungong ₱10,000). Walang dagdag na badyet para itaas ang kanilang sweldo sa nakabubuhay na antas, sa konstruksyon ng bagong mga klasrum, dagdag na guro at personel—mga itinuturing na salik sa mababang kalidad ng edukasyon at pahirap sa mga guro, magulang at estudyante. Kulang na kulang ang badyet para tustusan ang libreng edukasyon sa kolehiyo.

Samantala, tumaas nang 87.9% ang badyet ng Department of National Defense kumpara sa higit ₱378.89 bilyon sa kasalukuyang taon tungong ₱430.9 bilyon sa 2026. Halos 200% mas malaki ito sa badyet na ₱221.6 bilyon noong 2022. Sa halip na palakihin ang pondo para sa mga batayang serbisyo, lulustayin na naman ang pondo sa Armed Forces of the Philippines sa pagkukumpuni ng mga kampo militar para sa gamit ng mga Amerikanong tropa at pagbili ng mga gamit at sasakyang pandigma. Alinsunod ito sa estratehikong plano ng US na gamitin ang AFP sa pinaghahandaan nitong gera laban sa kapwa imperyalistang China.

Hindi binuwag, kundi lalupang pinalakas ng rehimen ang NTF-Elcac na nilaanan nito ng ₱8.1 bilyong pondo para tugunan ang ₱10 milyon kada “cleared” na baryo sa ilalim ng Barangay Development Program o BDP. Mas malaki ito nang 314% sa inilaan sa ahensya sa 2025. Sadyang ibinaba ang alokasyon ng ahensya sa 2025 matapos malantad sa pagdinig sa Kongreso na wala ni isa sa 885 proyektong ipinailalim sa BDP ang nakumpleto noong 2024. Laganap ang mga ulat kaugnay sa hindi tapos na mga daan at di angkop na mga proyektong pangkabuhayan ng BDP. Ang malala, ginamit ng militar ang programa para isailalim sa pagsosona ang mga barangay, pwersahing “sumuko” ang mga residente, ipitin ang kanilang kabuhayan at supilin ang kanilang mga karapatan.

Hindi nagpahuli si Marcos sa hatian ng kaban ng bayan. Naglaan siya para sa sarili ng ₱4.6 bilyon na confidential and intelligence fund (CIF), kalahati sa kabuuang CIF na nakapaloob sa badyet. Naglaan rin siya ng ₱1 bilyon para sa mga byahe sa labas ng bansa para sa kanya, kanyang pamilya at mga alipures.

Badyet 2026: Badyet pambayad-utang, para sa korapsyon at pasismo