Gawa-gawang mga kaso laban sa mga bilanggong pulitikal, sunud-sunod na ibinasura
Nitong nagdaang mga linggo, sunud-sunod ang pagbabasura sa gawa-gawang mga kaso laban sa 18 bilanggong pulitikal. Pito sa kanila ang nakalaya na. Pinatunayan nito na ang kinaharap nilang mga kaso ay gawa-gawa at walang batayan. Layon lamang nitong gipitin at matagalan silang imbimbin sa mga kulungan.
Noong Agosto 14, nakalaya ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Renante Gamara at mga manggagawa at aktibistang sina Diony Borre at Raul Razo. Kasunod ito ng pagwawalang-sala sa kanila, kasama ang dalawang iba pa na sina Tirso Alcantara, konsultant ng NDFP, at organisador ng magsasaka na si Dionisio Almonte, sa mga kasong kidnapping na may kaugnay na pagpaslang at bigong pagpaslang. Pinararatangan silang sangkot sa pagkidnap at pagpaslang sa isang sundalo at bigong pagpaslang sa isang “dating rebelde” sa Mauban, Quezon na naganap noong Mayo 2007.
Noon ding Agosto 14, nakalaya sina dating UP Student Regent Desiree Jaranilla-Patun-og at organisador ng magsasaka na si Maria Theresa Buscayno matapos ibasura ng korte ang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa sa kanila at kina Andres Ely at Oliver Millo. Sila ang tinatawag na Mexico 4. Ibinasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya. Nananatiling nakakulong sina Millo at Ely dahil sa mga kasong kinahaharap pa sa mga korte sa Nueva Ecija at Zambales.
Noong Agosto 6, ipinawalang-sala ng isang korte sa Taguig City ang kaso ng illegal possession of firearms and ammunition laban sa limang bilanggong pulitikal na tinaguriang Sta. Cruz 5. Ang lima ay kinabibilangan ng konsultant ng NDFP na si Adelberto Silva, Ireneo Atadero, Hedda Calderon, Edisel Legaspi at Julio Lusiana. Ayon sa korte, hindi sapat ang ebidensya at kaduda-duda ang pamamaraan ng pagkuha ng “ebidensya” laban sa kanila. Nakalaya na sina Atadero at Lusiana, habang nauna nang nakapagpyansa si Calderon noong Hunyo 2019. Mananatiling nakakulong sina Silva at Legaspi sa iba pang kinahaharap na kasong pagpatay.
Noon ding Agosto 6, naglabas ng desisyon ang isang korte sa Don Carlos, Bukidnon para sa “provisional dismissal” ng kasong tangkang pagpatay at pagpatay laban kay Charisse “Chaba” Bañez at Arjie Dadizon, dalawa sa Agusan 6. Kaugnay ang kaso sa isang sinasabing engkwentro sa pagitan ng BHB at militar noong 2022. Naiulat din ngayong buwan ang “provisional dismissal” sa kasong attempted homicide laban kay Louvaine Espina sa Davao Oriental. Liban kina Bañez, Dadizon at Espina, binubuo ang Agusan 6 nina Ronnie Igloria, Larry Montero at Grace “Nik-nik” Man-aning. Bumibyahe sila noong Hunyo 13 mula sa Monkayo sa Davao De Oro nang harangin ang kanilang sasakyan sa isang tsekpoynt at hinuli.
Noong Agosto 4, ibinasura ng korte sa Cagayan ang kasong bigong pagpaslang laban kay Myrna Cruz-Abraham. Inaresto si Abraham noong Enero 27 habang kasama ang kanyang pamilya sa isang mall sa San Miguel, Bulacan. Nakalaya siya isang linggo matapos magpyansa.
Sa isang resolusyon noong Mayo 29, ibinasura ng Department of Justice ang asuntong “terrorism financing” na isinampa ng mga pwersa ng estado laban kay Myrna Zapanta. Si Zapanta ay isang taong-simbahan at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka. Walang sapat na ebidensyang nagpapatunay sa paratang na nagpopondo siya sa BHB.
Tagumpay din para sa mga bilanggong pulitikal ang pagtanggal sa abusadong warden ng Tacloban City Jail na si J/Insp Eva Naputo noong Agosto 16. Inireklamo si Naputo ng Altermidya Network at iba pang grupo dahil sa kanyang pag-abuso sa mga bilanggo, laluna kontra sa tinaguriang Tacloban 5 na kinabibilangan ng mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, at taong-simbahan na si Marielle Domequil.
Sa harap ng ilang ligal na tagumpay na ito, patuloy ang panawagan para palayain ang higit 700 bilanggong pulitikal sa bansa na dumaranas ng lubhang matagal na detensyon dahil sa mabagal na pag-usad ng mga pagdinig sa reaksyunaryong korte at mga taktika ng pag-antala ng rehimeng Marcos at armadong pwersa nito.