ACSA ng Pilipinas at Japan, nagsisilbi sa mga imperyalista
Mariing kinundena ng progresibong mga organisasyon sa Pilipinas at Japan ang Acquisition and Cross-Servicing Agreement (ACSA) na pinirmahan sa pagitan ng Pilipinas at Japan noong Enero 15. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), bahagi ito ng “paglalim ng imperyalistang adyenda sa Pilipinas.”
Karugtong ang ACSA sa Reciprocal Access Agreement (RAA) na nagpapahintulot sa pamamalagi ng mga tropang Japanese sa bansa.
“Hindi ito (ACSA) pagtutulungan ng mga bansang may pantay na katayuan kundi pagtatali sa Pilipinas sa tulak ng Tokyo na muling magmilitarisa at sa estratehiyang Indo-Pacific ng Washington na naglalayong palibutan ang China,” ayon sa Bayan.
Kinundena rin ng Asia-Wide Campaign against US-Japanese Domination and Aggression of Asia (AWC) ang tumitinding militarismo ng Japan.
“Ang dapat gawin ng gubyerno ng Japan ay humingi ng tunay na patawad at magbigay ng kumpensasyon sa mga biktima ng okupasyong Japanese sa Pilipinas, hindi ang pagpapatindi ng militarisasyon,” ayon sa AWC.
Sa ilalim ng ACSA, pahihintulutan ang Japan na maglagak ng pagkain, panggatong, bala at iba pang lohistika para sa sarili nitong mga pwersa na nasa Pilipinas upang lumahok sa mga war games at iba pang aksyong militar sa tabing ng disaster response at humanitarian assistance. Dagdag sa ACSA, balak din ng Japan na magkaroon ng GSOMIA (General Security of Military Information Agreement) sa pagitan nito at ng Pilipinas.
Kasabay ng pirmahan ng ACSA, nagbigay ang Japan ng limos na ₱341 milyon na Official Security Assistance o ayudang militar sa AFP. Nakalaan ang pondo para sa konstruksyon ng silungan ng mga sasakyang pandagat. Liban pa rito, nagbigay ang Japan ng ₱617 milyong ayuda para diumano sa pagtatayo ng imprastrukturang pangtelekomunikasyon sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.