Pakikibaka ng mamamayan sa pagbubukas ng 2026

,

Sunud-sunod na mga protesta at pagtitipon ang inilunsad ng iba’t ibang sektor sa pagbubukas ng 2026 para isulong ang kanilang mga karapatan sa ekonomya at pulitika. Sa unang mga linggo ng Enero, nailunsad ang mga pagkilos para sa karapatan sa lupa at pangisdaan, barikada kontra mina at demolisyon, at iba pa para sa pagtataguyod ng kabuhayan.

Magsasaka at katutubong mamamayan. Nagpapatuloy ang barikada kontra mina ng mga residente ng Barangay Bitnong, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya sa kabila ng muling pagtatangka ng Woggle Corporation at mga pulis na buwagin ito noong Enero 13. Nasa 317 na pulis ang sumugod para buwagin ang hanay ng taumbaryo. Nabigo ang pagtatangka ng mga ito na makapasok nang harangin ng mahigit 50 residente ang daanan. Tuluy-tuloy ang suporta sa barikada ng mga tagapagtanggol ng kalikasan, taong-simbahan at mga progresibong mambabatas.

Mangingisda. Nagmartsa patungo sa Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas noong Enero 19 para tutulan ang ginagawang dredging at reklamasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nagprotesta rin sa baybayin ng Navotas City ang Pamalakaya-Navotas noong Enero 15 laban sa 650 ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project ng San Miguel Corporation at lokal na gubyerno ng Navotas.

Manggagawa. Nagprotesta ang mga manggagawa ng San Fernando Coca-Cola Rank and File Union sa planta ng Coca-Cola sa Barangay Baliti, San Fernando, Pampanga noong Enero 16. Binatikos ng unyon ang Coca-Cola Europacific Aboitiz Philippines sa mga paglabag nito sa mga probisyon sa kanilang collective bargaining agreement.

Mga drayber at tsuper. Nagprotesta noong Enero 19 ang mga myembro ng Piston sa harap ng Department of Transportation sa Quezon City para muling igiit ang agad na pagbabasura sa huwad na Public Utility Vehicle Modernization Program at pagbabalik sa 5-taong indibidwal na prangkisa. Kasabay ng pagkilos ang mass filing para sa renewal ng mga indibidwal na prangkisa ng mga drayber at opereytor na hindi pumailalim sa konsolidasyon. Sa taya ng grupo, humigit-kumulang 500,000 tsuper at opereytor ang nawalan na ng kabuhayan dahil sa palpak na programang “modernisasyon.”

Manininda at maralita. Noong Enero 12, nagmartsa tungo sa Pasay City Hall ang nasa 200 myembro ng Wowee Market Vendors Association upang ipanawagan ang muling pagbubukas ng kanilang palengke. Sa halip na harapin ni Meyor Emi Calixto-Rubiano, nagtago siya sa upisina, habang nagpatugtog ng malakas na musika ang kanyang mga tauhan para lunurin ang panawagan ng mga manininda. Binantaan pa sila ng mga pulis na bobombahin ng tubig.

Sa araw ding iyon, nagtungo sa Department of Social Work and Development sa Quezon City ang mga residente ng maralitang komunidad na napinsala sa nakaraang mga bagyo para singilin ang kagawaran sa kumpensasyong dapat ipinamahagi nito. Sa pangunguna ng Kadamay, hangad nilang makipagdayalogo sa kalihim ng ahensya pero hindi sila hinarap nito.

Sa Rizal, nagprotesta ang mga samahan sa ilalim ng Taytay Urban Poor Alliance at Kadamay-Rizal sa Baltao Gate, Ortigas Avenue, Taytay noong Enero 11. Nanawagan sila ng kagyat na pagpapatigil sa iligal na pagkukural ng Baltao Corporation sa mga residente ng Sityo Igiban, Barangay San Isidro sa Taytay. Humigit-kumulang 60 na pamilya ang dinadahas ng kumpanya.

Mga guro. Nagpiket ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Budget and Management sa Maynila noong Enero 16 para ipanawagan ang paglalabas ng naantalang mga benepisyo, isulong ang makabuluhang dagdag sweldo at dagdag badyet para sa regularisasyon at benepisyo ng mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon.

Noong Enero 9, nanawagan din ang grupo sa pagbasura sa tinatawag na “classroom observation,” Result-based Management System (RPMS) at iba pang pamantayan at rekisitong itinatakda para sukatin ang kalidad ng paggampan ng mga guro na nagpapahirap sa kanila. Iginiit nila ito kasunod ng pagkamatay ng guro sa Muntinlupa City na si Agnes Buenaflor noong Enero 7. Nabagok ang ulo ni Buenaflor nang nahimatay habang nagsasagawa ng “classroom observation.” Naisugod pa siya sa ospital ngunit namatay rin kalaunan.

Sa Centro Escolar University, tuluy-tuloy ang protesta ng CEU Faculty and Allied Workers Union para igiit ang makatarungang dagdag sweldo at benepisyo sa kanilang CBA. Ikinadismaya ng unyon ang paglalabas ng Department of Labor and Employment ng assumption of jurisdiction sa takdang araw ng kanilang planong welga noong Enero 13. Magwewelga sana ang unyon dahil sa deadlock sa negosasyon sa CBA mula pa Setyembre 2025.

Manggagawang pangkalusugan. Nagprotesta sa Quezon City ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa apat na ospital ng gubyerno noong Enero 14. Binatikos nila ang rehimeng Marcos sa hindi pagbibigay ng kanilang taunang alawans at iba pang mga benepisyo. Muli rin silang nanawagan na itaas ang batayang sweldo ng mga manggagawang pangkalusugan at wakasan ang kontraktwalisasyon.

Migranteng manggagawang Pilipino. Lumahok ang mahigit 1,000 Pilipinong nars sa welga ng mga nars sa ilalim ng New York State Nurses Association noong Enero 12 sa New York City. Bahagi sila sa 15,000 nars mula sa sampung pribadong ospital sa ilalim ng Presbyterian, Mount Sinai, at Montefiore. Nanawagan sila para sa dagdag sweldo, benepisyo at proteksyon mula sa karahasan sa lugar ng trabaho.

Mga kabataan. Sinalubong ng mga kabataan at estudyante ang pagsisimula ng klase ngayong 2026 sa paglulunsad ng mga protesta sa kampus nitong Enero. Itinampok sa mga pagkilos na ito ang isyu ng edukasyon, akademikong kalayaan, malawakang korapsyon at pasismo ng rehimeng US-Marcos. Isinagawa ang mga pagkilos sa mga kampus ng University of the Philippines, Saint Louis University, Far Eastern University, De La Salle University-Manila, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, Technological University of the Philippines-Manila at iba pang unibersidad.

Pakikibaka ng mamamayan sa pagbubukas ng 2026