Mga magsasaka sa Hacienda Michaela sa Negros Occidental, nanindigan para sa lupa

,

Militanteng nanindigan ang mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Michaela sa Barangay Talotog, Murcia, Negros Occidental laban sa pang-aagaw ng 22-ektaryang lupa ng Ta-ala Farms, Inc. Simula Enero 12, nagkampo ang mga armadong tauhan at ahente ng kumpanya para palayasin ang mga residente sa kanilang lupang sinasaka.

Sa araw na iyon, sumugod sa asyenda ang mga tauhan ng kumpanya sakay ng tatlong maliliit na trak at tatlong backhoe. Ang isa sa mga trak ay may sakay na mga armadong gwardya. Nagtayo sila ng mga tent at hinukay ang lupang sakahan gamit ang mga backhoe. Tinakot, pinagbantaan at tinutukan nila ng baril ang mga magsasaka. Tinangka pang iposas ang tatlong kababaihang magsasaka na ikinasugat ng isa. Noong Enero 14, nagsimula nang magtayo ng pader ang kumpanya sa palibot ng inagaw nitong lupa.

Ang lupa ay inaangkin ni Bonnie Ta-ala, may-ari ng kumpanya matapos “bilhin” ito ng kumpanya mula sa panginoong maylupa na si Arthur Bayona. Noong Oktubre 2025, nagtangka nang agawin ni Tal-ala ang lupa pero hindi siya nagtagumpay.

Ayon sa Hacienda Michaela Farmers and Farmworkers Association, iligal ang pagbebenta sa lupa dahil sinaklaw ito ng pamamahagi ng gubyerno sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program. Noong 2009 pa naglabas ng Notice of Coverage para sa lupa ang upisina ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Negros Occidental.

Nagpiket noong Enero 20 ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Negros at National Federation of Sugar Workers sa harap ng DAR Negros Island Region sa Bacolod City para batikusin ang kupad ng DAR sa pamamahagi ng lupa. Ayon sa grupo, muli na namang inilantad ng insidente ang kabulukan ng reporma sa lupa ng estado at patuloy na karahasan ng pyudal na paghahari ng mga panginoong maylupa sa bansa.

Kabi-kabilang suporta ang natanggap ng mga magsasaka ng Hacienda Michaela mula sa mga grupo ng kabataan, artista at iba pa.

Mga magsasaka sa Hacienda Michaela sa Negros Occidental, nanindigan para sa lupa