Pamamaril sa mga bata sa Samar, iba pang krimen ng AFP

,

Walang puknat ang mga pang-aabusong militar laban sa mamamayang Pilipino pagpasok ng 2026. Mula ikalawang linggo ng Enero, naitala ang mga kaso ng pamamaril, tangkang pagdukot, pagsasampa ng mga kasong kriminal, panggigipit at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

Sa Samar, pinasabugan ng M203 at pinagbabaril ng mga sundalo ng 46th IB ang dalawang batang magkapatid sa Sityo San Pedro, Barangay 3, San Jose de Buan noong Enero 3 ng hapon. Naghahakot ang dalawa ng pambentang uling nang makasalubong ang tatlong sundalo at bigla na lamang silang pinaputukan.

Natamaan sa dibdib, kamay at paa ang nakababatang kapatid at naiwan sa lugar ng pamamaril. Hindi na nalaman ng pamilya ang kinahinatnan ng bata na hanggang ngayon ay nawawala. Samantala, ang nakatatandang kapatid ay ligtas na nakatakbo.

Sa Negros Occidental, tinangka ng mga pwersa ng 15th IB na dukutin ang isang manggagawang pangkaunlaran ng Paghidaet sa Kauswagan Development Group Inc. (PDG) at katulong ng mga magsasaka sa paglaban sa Hacienda Asia Plantation Inc (HAPI). Ayon sa ulat, bumabyahe sakay ng motorsiklo si Joselito Macapobre sa Barangay Caningay, Candoni nang bigla siyang hinarang ng isang itim na sasakyan noong Enero 17. Nakatakas si Macapobre at nakatakbo sa malapit na kabahayan at humingi ng tulong sa mga residente. Bago ang insidente, ilang ulit nang pinuntahan ng mga sundalo ng 15th IB ang biktima sa kanyang bahay at inakusahan na rekruter ng Bagong Hukbong Bayan.

Samantala, naiulat rin ang pananakot ng mga sundalo kay Analyn Mirano, isa pang myembro ng PDG Inc noong Enero 16 at 17.

Naiulat din ang mga kaso ng panliligalig at intimidasyon sa mga barangay sa Kabankalan City, Himamaylan City, La Castellana, at Moises Padilla mula pangalawang linggo ng Enero. Ipinapatawag ang mga residente para pilitin silang “sumuko.”

Sa Negros Oriental, ilang araw na nagkampo sa Kambairan Elementary School sa Barangay Trinidad, Guihulngan City ang 50 sundalo ng 62nd IB mula Enero 6. Niligalig rin ng mga sundalo ang ilang barangay sa Canlaon City.

Sa Metro Manila, hinainan ng reklamong sedisyon at iba pang kaso ang pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan na si Renato Reyes Jr, mamamahayag pangkampus na si Jacob Baluyot, at 32 iba pa sa tangkang patahimikin at pahupain ang mga protesta kontra korapsyon.

Pamamaril sa mga bata sa Samar, iba pang krimen ng AFP