Kapabayaan, dahilan ng pagguho ng tambakan ng basura sa Cebu City
Kinundena ng mga grupo ng manggagawa at tagapagtanggol ng kalikasan ang kapabayaan at di ligtas na lugar sa trabaho sa Binaliw Landfill sa Cebu City noong Enero 8. Gumuho ang bundok ng basurang tinatayang may taas na 20 palapag at dumagan sa mga gusali sa paanan nito. Ang tambakan ay pinatatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions Inc (PIWSI), pag-aari ng burgesyang kumprador na si Enrique Razon Jr.
May 110 manggagawa sa mga gusali sa paanan ng bundok ng basura nang gumuho ito. Ang 36 sa kanila ay namatay at 18 ang sugatan.
Malaki ang pananagutan ng PIWSI at ni Razon sa pangyayari sa kusa nilang pagbalewala sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalusugan sa trabaho para makatipid at tumubo nang malaki. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Barangay Binaliw ang tambakan, na anila’y mabaho at sumira sa bundok at mga ilog sa paligid nito.