Plantang nukleyar sa Pilipinas, para sa imperyalismong US at mga naghaharing uri

,

Gaganapin sa Pilipinas sa Mayo ang World Nuclear Supply Chain Conference. Ito ang ikalawang pagtitipong inorganisa ng World Nuclear Association upang patatagin ang pandaigdigang suplay para sa mga proyektong nukleyar. Noong Nobyembre 2025, inianunsyo ng Department of Energy (DOE), na bukas na ang Pilipinas para sa pagtatayo ng mga plantang nukleyar. Plano mismo ng DOE na magtayo ng unang gumaganang planta sa 2032 na may kapasidad na 1,200 megawatts (MW), na sinasabing lalawak tungo sa 4,800 MW sa 2050.

Nagpahayag naman ang Meralco noong Enero 5 na magsasagawa ito ng pag-aaral para sa paggamit ng small modular reactor (SMR) na popondohan ng US Trade and Development Agency. Layunin diumano nitong suriin ang kakayahan para sa enerhiyang nukleyar sa Pilipinas.

Noong 2024, ipinanukala ni Mark Cojuangco, kinatawan ng ikalawang distrito ng Pangasinan at pinuno ng espesyal na komite sa nukleyar na enerhiya, ang pagtatayo ng 1,000 MW na plantang nukleyar sa Labrador, Pangasinan na nagkakahalaga ng ₱255 bilyon. Ibinabandera ng kongresista na makatutulong ito sa pagpapababa ng singil sa kuryente sa prubinsya.

Pagtutol ng mamamayan

Ngayon pa lamang, aktibo nang tinutulan ng mga Pangasinense, taong-simbahan at maka-kalikasan ang planong pagtatayo ng plantang nukleyar sa Labrador. Tiyak sila sa pinsalang dala nito sa kabuhayan, kalikasan, at kalusugan ng mamamayan at susunod na mga henerasyon. Umabot sa 33 lider ng Simbahang Katoliko ang nagpahayag ng pagtutol dito. Noong Enero 4, naglunsad ng misa at protesta sa bayan ng Labrador, na pinangunahan ng diyosesis ng Alaminos. Ayon sa Pangasinan People’s Strike for the Environment (PPSE), hindi solusyon ang planta sa krisis sa kuryente. Sa halip, lalo pa itong magmamahal at magreresulta sa pagkakamal ng supertubo ng mga dambuhalang negosyante.

Tulad ng nangyari sa Bataan Nuclear Power Plan at sa daan-daang malalaking proyektong imprastruktura, tiyak na pagkukunan ito ng malaking kikbak ng mga burukratang kapitalista at magiging substandard ang pagkagawa. Walang ligtas na paraan ang gubyerno para sa pagtapon ng basurang radioactive. Bulnerable din ang pagtatayuan nito sa bagyo at lindol, na maaaring magdulot ng malaking disgrasya. Ang malala, habang magdurusa ang mamamayan dahil sa magiging epekto ng planta, deka-dekadang magbabayad ng utang ang sambayanan para sa pagpapatayo ng mga plantang pakikinabangan lamang ng dayuhan at lokal na burgesyang kumprador at burukratang kapitalista.

Tulak ng imperyalismong US

Ang pagbubukas para sa mga plantang nukleyar sa Pilipinas ay bunga ng pagtutulak ng imperyalismong US na buksan ang bansa bilang merkado ng mga kumpanya nito. Noong Nobyembre 2022, pinirmahan ng Pilipinas ang US-Philippines 123 Agreement for Civil Nuclear Energy Cooperation na nagpapailalim sa “pagpapaunlad” ng enerhiyang nukleyar ng Pilipinas sa pamamahala ng US.

Sinasabi ng US na ang pagpapalawak ng produksyong nukleyar na enerhiya ay bahagi ng polisiya nito sa “pambansang seguridad.” Ayon sa US Department of Energy Information Administration noong 2018, tataas nang 50% ang paggamit ng kuryente sa buong mundo pagdating ng 2050 dahil sa pag-unlad ng ekonomya, mas malawak na akses sa enerhiya, at paglaki ng populasyon. Dahil dito, kailangang itriple ang produksyon ng nukleyar na enerhiya upang matugunan ang pangangailangan.

Inaasahang kikita ang US ng mahigit $1 trilyon hanggang 2050 mula sa pag-eksport ng teknolohiyang nukleyar tulad ng SMR. Nais din nitong higitan ang China at Russia sa produksyon ng enerhiyang nukleyar. Sa nakalipas na limang taon, 80% ng mga proyektong nukleyar ay mula sa China, habang hawak ng Russia ang higit 40% ng pandaigdigang kapasidad sa produksyon ng uranium (gamit na panggatong sa mga plantang nukleyar).

Itinutulak din ng malalaking kumpanya ang pagtatayo ng SMR para tugunan ang tumitinding pangangailangan sa kuryente ng Artificial Intelligence Data Centers. Noong 2024, nagsimulang mamuhunan ang Amazon, Google, Meta, at Microsoft sa pagtatayo ng mga SMR para sa kanilang operasyon.

Ang SMR ay relatibong bagong uri ng mga plantang nukleyar. Inilalako ito bilang ligtas, mas mura, at madaling paramihin, kahit wala pa ni isang komersyal na operasyon ang gumagana para patunayan ito. Katunayan, ang iilang nagtangkang maglatag ng SMR bilang mapagkukunan ng komersyal na kuryente ay tumiklop dahil sa laki ng gastos sa konstruksyon.

Taliwas sa sinasabing “sustenable” at “mas mabuti” sa kalikasan ang nukleyar na enerhiya kumpara sa langis, lumilikha ito ng basurang radioactive na mapaminsala sa kalusugan ng tao (napatunayang nagdudulot ng kanser). Mula sa pagmimina ng uranium hanggang sa pagtapon ng basura ng planta, nagdudulot ito ng polusyon sa lupa, ilog at dagat. Nananatili ding suliranin ang pag-imbak at pagtapon ng basura na nananatiling radioactive sa loob ng ilanlibong taon.

Plantang nukleyar sa Pilipinas, para sa imperyalismong US at mga naghaharing uri