SBDP ng NTF-Elcac sa Eastern Visayas, premyo para sa pasismo

,

Nang aprubahan ng Kongreso at Senado ang panukalang pambansang badyet para sa 2026, nalantad na magbubuhos ang rehimeng Marcos ng ₱8.1 bilyon sa Support to Barangay Development Program (SBDP) ng National Task Force (NTF)-Elcac. Kinundena ito ng iba’t ibang grupo, kabilang ang mga grupong relihiyoso, dahil nagsisilbi ito bilang premyo sa pasismo sa kanayunan, at hindi tugon sa mga ugat ng kahirapan at armadong tunggalian.

Unang ipinatupad ang SBDP sa Eastern Visayas (EV) noong 2021. Tulad sa ibang rehiyon, bawat “benepisyaryong barangay” ay nilaanan ng ₱20 milyon, na kalaunan ay naging ₱4.5 milyon at ₱2.5 milyon sa mga susunod na taon. Para umano ito sa mga farm-to-market road, health center, klasrum at programang pangkabuhayan.

Sa tabing ng Regional Task Force-Elcac, pinangasiwaan ng 8th ID ang SBDP. Sa pag-aaral ng Larab, 700 barangay sa EV ang nailista bilang “benepisyaryo” ng programa mula 2021-2025. Katumbas ito ng 16% ng 4,390 barangay sa rehiyon.

Para maisama bilang “benepisyaryo” ang isang barangay, kailangang ideklara nito ang rebolusyonaryong kilusan na “persona non grata” (hindi katanggap-tanggap), magtayo ng Barangay Task Force-Elcac, magpasuko ng mga residente at magsagawa ng “peace rally.” Ang mga yunit ng Retooled Community Support Program (RCSP), na mga sundalo at pulis na dinedeploy ng 8th ID sa mga baryo, ang magpipinal kung “cleared” o malinis na ang isang barangay, at kung maisasama na sa SBDP. Naipipirmi ang istatus ng barangay matapos ang ilang buwan o taon ng tuluy-tuloy o pabalik-balik na pagkakampo ng mga yunit ng RCSP.

Habang nasa baryo, nagkakampo ang mga sundalo sa mga pampublikong pasilidad tulad ng barangay hall, paaralan, simbahan, plaza at health center. Maging bahay ng magsasaka ay ginagawang baraks. Kaliwa’t kanan ang paglabag sa karapatan ng mga residente tulad ng pamamaslang, panghaharas, at iligal na pag-aresto. Sinisira ang kanilang mga tanim at kagamitan, ninanakawan sila, at ipinapailalim sa “lockdown” ang komunidad.

Ang mga baryo na kasama sa SBDP ang sila ring isinailalim sa mala-batas militar na panggigipit. Alinsunod sa pag-aaral ng Larab, hindi bababa sa 569,666 indibidwal o 131,643 kabahayan ang naipailalim sa paghaharing militar ng 8th ID.

Ayon mismo sa 8th ID noong 2020, umabot sa 1,513 barangay ang nagdeklara na “persona non grata” ang rebolusyonaryong kilusan. Pagsagasa at pagkubabaw ito ng militar sa sibilyang pamamahala. Liban pa, ipinapakita nito na ang paghaharing militar sa kanayunan ay hindi lamang limitado sa mga isinailalim sa RCSP. Alinsunod sa bilang ng 8th ID, posibleng umabot sa isang milyong tao ang napailalim sa paghaharing militar sa rehiyon mula 2018.

Pinakamataas na bilang ng mga paglabag

Naiulat din ang 43,947 biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa mga taong 2018-2025, kung saan karamihan ng mga biktima ay mga magsasaka. Ang mga lugar na may pinakamaraming paglabag ay mga barangay na binuhusan ng kalakhan ng pondo ng SBDP. Naging “premyo” ang SBDP para sa mga barangay na isinailalim sa paghaharing militar ng mga yunit ng RCSP.

Nasa 44% ng mga naitalang paglabag ay nakakonsentra sa Northern Samar. Ito rin ang prubinsyang may pinakamaraming barangay na “benepisyaryo” ng SBDP (240). Karamihan sa mga kaso ay naitala sa Las Navas na may pinakamaraming barangay na “benepisyaryo” ng SBDP.

Kabilang sa 10 bayan na may pinakamalaking pondo ng SBDP ay ang Catubig, Catarman, at Palapag. Tulad ng Las Navas, nakaranas ito ng grabeng mga pag-atake tulad ng pambobomba, pamamaslang, at pagpapasuko.

Umabot naman sa 26% ng mga kaso ang nailista sa prubinsya ng Samar. Sa bayan ng San Jose de Buan naitala ang pinakamaraming insidente ng panggigipit sa masa. Hindi nakapagtataka na 13 sa 14 barangay nito ay isinama bilang “benepisyaryo” ng SBDP.

Samantala, nasa Leyte ang 15% ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao, habang 11% ang nasa Southern Leyte. Karamihan dito ay naitala sa mga bayan ng Jaro, Sogod at Bontoc. Naitala rin sa mga lungsod tulad ng Tacloban ang mga kaso ng detensyon at panggigipit ng kabataang-estudyante, aktibista at tagapagtanggol sa karapatang-tao.

__
Mula sa Larab, Enero 3, 2026.

SBDP ng NTF-Elcac sa Eastern Visayas, premyo para sa pasismo