Hamon sa bayan at kabataan sa patuloy na garapalang korapsyon at paniniil
Pinupuntirya, sinisindak at pinagbabantaan ng rehimeng US-Marcos ang taumbayan, laluna ang mga kabataan, sa harap ng patuloy nilang pagkadismaya sa garapalang korapsyon at paniniil. Sinusupil ang kanilang hinaing sa harap ng lubhang makupad na mga hakbang ng reaksyunaryong gubyerno para mapanagot ang lahat ng sangkot sa korapsyon.
Gamit ang mga armadong galamay at mga ahensyang panseguridad nito, kinasuhan ng “sedisyon” at “pang-uupat ng rebelyon” ang ilang lider masa, kabilang ang mga lider ng mga kabataang estudyante na nasa unahan ng malawak na mga pagkilos kontra korapsyon noong nakaraang taon. Malinaw nitong pakay ang maghasik ng takot sa mamamayan, busalan sila, pahinain ang kanilang kapasyahang ipaglaban ang hangaring katarungan, at idisikaril ang mga balak na ituloy ang mga kilos protesta.
Sa social media, isinasagawa ng NTF-Elcac at ng Armed Forces of the Philippines ang kampanyang “pandudumog” gamit ang mga bayarang troll, kabilang ang ilampung libong sundalo ng AFP, para lunurin sa panunuya o panlilibak ang sinumang may komentong kritikal o pumupuna sa rehimeng Marcos, at laluna laban sa pang-aabuso ng militar at pulis. Isinasagawa ito sa balangkas ng “counterinsurgency” dahil lahat ng pagbatikos sa korapsyon at paniniil ay tinitingnan na bahagi ng propaganda ng rebolusyonaryong kilusan.
Tumitindi ang pagmamanman at panggigipit sa mga kampus, tuwiran mang isinasagawa ng mga ahenteng militar, o kasabwat ang administrasyon ng ilang paaralan. Tahasang banta ito sa kalayaan ng mga institusyong pang-akademiko. Kinikitil ni Marcos at ng NTF-Elcac ang kritikal, progresibo at patriyotikong pag-iisip, pag-aaral sa kasaysayan at pagsisiyasat sa lipunan, laluna ng mga kabataan, sa pagbabansag sa mga ito bilang “terror grooming.”
Hindi na natuto sa kasaysayan si Marcos sa pag-aakalang mapatatahimik niya sa pamamagitan ng panlilinlang at pananakot ang sambayanang Pilipino, laluna ang mga kabataang estudyante, sa kanilang paglaban sa korapsyon at pang-aabuso ng iilang nasa kapangyarihan, at paglahok sa pakikibaka para baguhin ang malakolonyal at malapyudal na sistema.
Salamin ng malalim na poot ng bayan sa naghaharing sistema ang sumiklab na protesta noong Setyembre-Nobyembre ng nakaraang taon, laluna sa ilampung kampus sa iba’t ibang panig ng bansa. Dumaloy sa mga pakilos ng mga kabataang estudyante ang malawak na hinaing at galit ng malawak na masa ng sambayanan sa korapsyon at sa burukrata-kapitalistang sistemang nagpapayaman sa iilan at nagpapahirap sa bayan.
Binigyang boses nila ang milyun-milyong Pilipinong biktima ng korapsyon, ng mga pagbaha dahil sa mga palpak at pinagkakitaang mga proyektong flood-control, ng mahunang mga farm-to-market road at iba pang imprastruktura, ng nabubulok na mga serbisyong panlipunang pinagkaitan ng kailangang kailangang pondo, at maraming iba pang pasakit na dala ng burukratang kapitalismo. Kasama ng taumbayan na pinag-aaralan nila kung papaanong ipinataw ng imperyalismong US ang bulok na sistemang ito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga sinanay nitong pulitiko at tagapangasiwa ng reaksyunaryong burukrasya.
Determinadong ipagpatuloy ng mga kabataan at sambayanan na isulong ang kilusang protesta laban sa korapsyon at bulok na gubyerno. Batid nila kung papaanong ang bawat saglit na sila’y tumahimik at humupa ang protesta, ay sinasamantala ni Marcos at ng mga kapwa magnanakaw para mangulimbat at magpayaman.
Nagbibingi-bingihan si Marcos at kanyang mga tiwaling upisyal sa malawak na ingay ng protesta. “Tuloy ang ligaya,” mistulang deklarasyon nila, nang pagtibayin ang badyet para sa 2026 na batbat sa pork barrel, at mga bagong proyektong pang-imprastruktura tulad ng mga gusaling pampaaralan. Tila nagmamadali ngayon ang DPWH sa pagbuhos ng bilyun-bilyong pisong “pagkukumpuni” sa EDSA at iba pang haywey at tulay, habang sa malayo nakatingin ang publiko.
Magsasara na lamang ang itinayo ni Marcos na Independent Commission for Infrastructure ay wala pa itong makatuturang nagawa liban sa palabasing mayroong ginawa si Marcos, at pagtakpan ang pananagutan ng Malacañang. Ginagamit ngayon ni Marcos ang Ombudsman para ipitin ang mga karibal sa pulitika, o isakripisyo ang ilang hindi na niya maisasalbang kaalyadong pulitiko o upisyal, na lubos na nalantad ang pagkasangkot sa pandarambong. Ang pinakamalalapit na upisyal ni Marcos na sangkot sa korapsyon (tulad ni Bersamin, Pangandaman at iba pa) ay inilayo ni Marcos sa mga imbestigasyon at sa pagpapanagot ng taumbayan.
Ang laganap na korapsyon at garapalang pagpapayaman ng iilan sa reaksyunaryong gubyerno, pag-abuso sa kapangyarihan at paniniil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan, ay patuloy na pumupukaw sa buong sambayanan na kumilos at lumaban. Sadyang napapanahon ang mga raling nakatakda sa darating na mga linggo, kabilang ang paggunita sa malawakang pag-aaklas ng mga kabataang Pilipino noong Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970, hanggang sa ika-40 taong paggunita sa makasaysayang pag-aalsa sa Edsa na nagpabagsak sa kurakot at abusado ring diktadura ni Marcos Sr. Mainam na pagkakataon ito para magkaisa ang sambayanan at paalingawngawin ang sigaw na “lahat ng sangkot, dapat managot.”
Dapat hindi magsawa ang sambayanan sa paglalantad sa lahat ng katiwalian, maaanomalyang kontrata ng gubyerno, pangungulimbat sa kabang-yaman ng bayan, pagwawaldas ng pampublikong pondo at iba pang paraan ng pagkamal ng yaman ng mga burukratang kapitalista. Dapat ding ilantad ang kasabwat nilang malalaking burgesyang kumprador at mga dayuhang kapitalista sa pandarambong at pagkamkam ng yaman ng bansa.
Partikular na hamon sa mga kabataang estudyante na patuloy na palakasin ang pagpapahayag ng hinaing ng sambayanan laban sa korapsyon at kabulukan ng buong naghaharing sistema. Magtungo kung nasaan ang masa—sa mga pagawaan, bukid at komunidad sa mga syudad at kanayunan—para alamin sa kongkreto ang malupit na hambalos ng korapsyon at burukratang kapitalismo sa buhay ng masa. Pandayin ang damdamin at paninindigan para sa malawak na masa ng sambayanan, at ilaan ang panahon para kamtin ang hangaring makatarungan at maaliwalas na bukas.
Ang hangad na wakasan ang korapsyon ng reaksyunaryong gubyerno ay matatamo lamang sa pakikibaka para wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, ang tatlong salot na nagpapahirap sa bayan. Magagawa ito sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ibabagsak ang reaksyunaryong estado at itatayo ang demokratikong gubyernong bayan na bubuuin ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong sektor, at kakatawan sa kanilang hangarin para sa pambansang kalayaan at hustisyang panlipunan.