Mga protesta para sa pagbabalik kay Maduro, walang puknat
Tuluy-tuloy at walang kapaguran ang mga protesta sa loob at labas ng Venezuela para igiit na ibalik ang kanilang presidente na si Nicolas Maduro at kanyang asawang si Cilia Flores sa Venezuela. Si Maduro at Flores ay dinukot ng mga tropang Amerikano sa Caracas noong Enero 3 at dinala sa US.
Sa loob ng Venezuela, nagsimula ang araw-araw na demonstrasyon sa mismong araw nang pagdukot kay Maduro at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Hindi natinag at nananatiling buo ang estadong Bolivarian na ipinundar nina Maduro, Hugo Chavez at mga anti-imperyalistang pwersang Venezuelan. Sa ilalim ng pamumuno ni Delcy Rodriguez, itinalagang pansamantalang presidente, naipatawag ang pambansang pamunuan at patuloy na gumagana ang lahat ng sangay ng gubyerno. Nakiisa kahit ang mga oposisyunistang partido, liban sa sagadsaring tuta ng Amerika na partido ni Maria Machado.
Sa Cuba, kalahating milyon ang nagmartsa noong Enero 19 para sa libing ng 32 sundalong Cubano na namatay habang ipinagtatanggol si Maduro at Flores noong dukutin sila. Kabilang ang mga sundalong Cubano sa mahigit 100 taong pinatay ng US sa agresyon nito.
Sa Italy, puu-puong libo ang nagmartsa sa 30 syudad noong Enero 10 para makiisa sa Venezuela at igiit ang agad na pagpapalaya kay Maduro.
Sa India, naglabas ng resolusyon ng pakikipagkaisa sa Venezuela noong Enero 12 ang 10 mayor na oposisyunistang partido pulitikal, kabilang ang samutsaring mga partido komunista. Kinundena rin nila ang mga banta ng rehimeng Trump sa Cuba, Mexico, Iran, Colombia at Greenland. Nagsagawa ang mga grupo ng serye ng mga pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng India na nilahukan ng libu-libong manggagawa, intelektwal at magsasaka.