2 hors de combat, namatay sa kamay ng militar
Dalawang hors de combat mula sa Negros Oriental at Masbate ang iniulat na namatay habang nasa kustodiya ng berdugong militar na malubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas.
Noong Abril 23, dinakip, tinortyur at sadyang pinaslang ng 62nd IB si Dino Pane (Ka Yulo), mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros sa Sityo Nabuluan, Barangay Bucalan, Canlaon City, Negros Oriental. Si Pane ay nagpapagaling sa sakit na pneumonia at umiinda ng sobrang taas na lagnat at panghihina. Hindi siya armado sa panahong iyon.
Sa Masbate, namatay sa kustodiya ng 2nd IB ang hors de combat na si Raul Luding Tolingin noong Mayo 14 dahil sa “komplikasyon at iba pang mga karamdaman.” Sugatang nadakip ng militar si Tolingin noong Mayo 10 sa Barangay Miabas, Palanas kasunod ng isang palabas na engkwentro. Matagal nang umiinda sa sakit na diabetes, high blood at rayuma si Tolingin, at nagpapagamot habang tumutuloy sa isang bahay sa naturang barangay. Tatlong araw siyang itinago ng militar mula sa kanyang pamilya hanggang namatay.
Naitala rin sa dalawang prubinsya ang mga kaso ng pananakit, panggigipit at pananakot ng militar sa mga magsasaka noong Abril. Ang lahat ng ito ay nakabalangkas sa pagtugis ng militar sa hukbong bayan.