ASEAN 2026: Tagapangasiwa ng interes ng imperyalismong US
Noong Mayo 6-8, pinangasiwaan ng Pilipinas ang ika-48 ASEAN Summit sa Lapu-Lapu City, Cebu, sa temang “Navigating our Future, Together.” Deklaradong layunin ng pagtitipon na isulong ang kooperasyon, katatagang pang-ekonomya, at pambansang seguridad sa pagkain at enerhiya sa gitna ng tumitinding tensyong pandaigdig. Sentrong talakayan ang epekto ng sigalot sa Middle East na nagdulot ng pabago-bagong presyo ng enerhiya, pagkaantala sa suplay, at pagtaas ng gastos sa pagkain at transportasyon na pabigat sa mga bansa sa ASEAN.
Ang ASEAN ay isang lupon sa pulitika at ekonomya na itinatag noong 1967 sa panahon ng Digmaan sa Vietnam bilang panangga sa komunismo at para magsilbing instrumento ng neokolonyalismo. Noon at ngayon, malakas ang impluwensya dito ng US bilang “komprehensibong estratehikong katuwang” sa rehiyon. Nananatiling malakas ang kapit ng US sa pamamagitan ng alyansang militar at sa ekonomya, kahit ang China na ang pangunahing katuwang sa kalakalan ng mga myembrong bansa nito.
Matapos ang ilang araw ng pagpupulong, walang kongkretong programa ang mga delegado upang tugunan ang dinaranas na krisis sa rehiyon. Nagkasundo sila sa ilang hakbang para mabawasan ang epekto ng agresyong militar ng US sa Iran, ngunit aminado silang matagal pa bago ito maisasakatuparan.
Isa rito ang panukalang “Regional Fuel Sharing Framework” na walang mekanismo kung paano ang pagpapatupad, prayoridad ng distribusyon, o paggamit dito para sa mabilis na pagtugon sa kasa-lukuyang krisis.
Sa kabuuan, nakapokus ang mga lider sa koordinasyon sa panahon ng emerhensya, presyo ng langis, seguridad sa pagkain, at operasyong pandagat. Nananatiling makitid at nakatuon sa pamamahala ang balangkas ng mga pinag-usapan. Kinilala ng kapulungan bilang malaking dagok ang agresyon ng US sa Middle East pero wala itong pagkundena dito. Walang inilabas na pinag-isang pahayag ang ASEAN laban sa henosidyo ng Israel at US sa Palestine, kahit may ilang myembrong bansang hayag na sumusuporta sa pakikibakang Palestino.
Sa gitna ng kawalang solusyon sa mga krisis sa ekonomya, nakipagkasundo pa si Marcos para sa pangmatagalang pag-import ng bigas mula sa Vietnam. Sa kabila ito ng pinsalang dala ng importasyon sa lokal na produksyon ng palay at lalong pagkalugi ng mga magsasaka.
Militarisasyon sa ASEAN
Bago ng ASEAN Summit, inilunsad sa Pilipinas ang pinakamalaking Balikatan war exercises sa kasaysayan nito. Tampok dito ang pagpapalipad at pagpapasabog ng mga misayl ng US at Japan noong Mayo 5 at 6. Ang mga operasyong ito ay nagpatalas sa kontradiksyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon at Pilipinas. Habang iwinawasiwas ng ASEAN na layunin nito ang kapayapaan at diplomasya, ibinubukas naman ng papet na estado ng Pilipinas ang bansa bilang palaruan at “di nalulubog” na base militar ng US.
Upang diumano “hindi matulad ang South China Sea sa Strait of Hormuz” at matiyak ang kalayaan sa paglalayag dito, iginiit ng rehimeng US-Marcos ang pagpapatibay sa Declaration on Maritime Cooperation. Isang mahalagang bahagi ng panukalang ito ang paglikha ng isang ASEAN Maritime Center na itatatag sa Pilipinas. Ito diumano ay magsisilbi bilang pangunahing tipunan para sa mga isyung pandagat na ilalapat sa mga kasaping bansa ng ASEAN. Ang mga hakbang na ito, sa halip na magpakalma, ay higit na magpapaigiting ng tensyon sa South China Sea.
Pasismo at pagtabing sa kahirapan
Noong Mayo 6, naglunsad ng porum na “Imperialist Crisis and War: A People’s Alternative to the ASEAN Sumit” at protesta laban sa ASEAN Summit ang mga progresibong grupo sa University of the Philippines-Cebu. Habang isinasagawa ang mga aktibidad, humigit-kumulang 200 pulis ang namataan sa loob at labas ng pamantasan na nagmamatyag.
Sa parehong araw, nagprotesta ang mga myembro ng Greenpeace Philippines sa labas ng summit upang ipanawagan ang pagtugon sa polusyon sa plastik, batikusin ang labis-labis na pag-asa sa langis, at bigyan-diin ang krisis sa klima sa rehiyon. Apat na myembro nito ang inaresto bago pa man magsimula ang protesta.
Upang hindi makita ng mga delegado ang mahihirap ng Cebu, pansamantalang inilipat ng lokal na gubyerno ang nasa 66 na pamilya na nakatira sa likod ng Mactan Expo kung saan inilunsad ang summit tungo sa isang resort sa kalapit na bayan ng Cordova. Nanatili sila sa lugar mula Abril 27 hanggang Mayo 9. Tinakpan ng malalaking tarpolin ang kanilang mga barung-barong.