Planong kampo militar sa baryo sa Northern Samar, napigilan
Napaatras ng mga residente ng Barangay Imelda, Las Navas, Northern Samar ang plano ng mga tropa ng 20th IB na magtayo ng kampo militar malapit sa kanilang komunidad. Mahigpit itong tinutulan ng mga residente sa isang asembliya noong Marso.
Planong itayo ang kampo sa isang burol na wala pang 50 metro ang layo sa huling bahay sa isang sityo. Ayon sa mga residente, taliwas ito sa itinatakda ng internasyunal na makataong batas na minimum na distansyang 500 metro mula sa komunidad ng mga sibilyan.
Sa asembliya, paisa-isang nakipag-agawan ng mikropono ang mga residente mula sa mga sundalo para magpahayag ng pagtutol sa kampo. Sa huli, tatatlong residente lamang ang “pumayag” sa pagtatayo.
Sa kabila nito, nagkakampo pa rin ang mga armadong tropa sa bahay ng mga sibilyan sa baryo. Ipinagpatuloy rin nito ang pagtatayo ng kampo sa labas ng barangay pero malapit pa rin sa daanan patungo sa bayan.