Pakikibakang manggagawa para sa CBA
Naglunsad ng iba’t ibang antas ng sama-samang pagkilos ang mga manggagawa at unyon nitong Mayo para ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan sa pamamagitan ng collective bargaining agreement (CBA).
Sa Day 1 Craft Philippines Inc sa Laguna, nagtagumpay ang mahigit dalawang linggong welga ng mga manggagawa bilang pakikipaglaban para sa makatarungang CBA. Nakamtan nila ang kahingian para sa dagdag sahod at iba pang karapatan. Gumagawa sila ng matataas na klase ng pamain sa isda.
Sa LBC Express Metro Manila, nagsumite ang mga manggagawa ng notice of strike sa gitna ng pitong buwang deadlock sa negosasyon para sa CBA. Baryang ₱32 dagdag sahod sa tatlong taon ang alok ng kapitalista, malayo sa panawagang ₱72 dagdag. Binatikos rin nila ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa na ginagamit na taktika para buwagin ang unyon at pagkaitan sila ng karapatan.
Sa PLDT, nagmartsa ang mga superbisor ng kumpanya sa pangunguna ng unyong GUTS-PLDT noong Mayo 15 sa hedkwarters ng kumpanya sa Makati City. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Quezon City, Cebu City at Davao City. Tugon nila ito sa kawalang-usad ng negosasyon para sa 2026-2028 CBA. Kinundena nila ang taktika ng sadyang pag-antala at pambabarat ng maneydsment sa negosasyon.
Sa kumpanya ng barko na Philippine Span Asia Carrier Corp sa Maynila, nagpiket ang mga manggagawa para ipakita ang suporta sa unyon na halos pitong buwan nang nakikipagnegosasyon para sa CBA. Isinusulong nila ang dagdag sahod at iba pang mga karapatan.