Pagpupugay sa mga bayani ng Negros at ICR!

,

Nakatanghal ang mga armas at nakataas ang kamao ng mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa para sa mga martir ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na namatay nitong Mayo.

Sa Negros Occidental, napaslang sa labanan sa 15th IB ang limang Pulang mandirigma ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) sa Barangay Abaca, Cauayan noong Mayo 16. Namaratir sina Vince Francis Dingding (Ka Poy/Moymoy), kalihim ng komite ng Partido sa larangan, si Rolando Dantes Jr. (Ka Anyo), kumander ng BHB-Southwest Negros, sina Jobert Casipong (Ka Robi), Gilbert Tingson (Ka Kolintong/Ka Downy), at Alex Languita (Ka Kaya).

Sa rehiyong Ilocos-Cordillera, namatay sa kanser ang Pulang mandirigma na si Inocencio Sibud (Ka Maki) noong Mayo 14. Unang narekrut si Sibud bilang myembro ng yunit ng milisyang bayan sa Barangay Bayao sa Pinukpuk, Kalinga noong dekada 1980. Nagpatuloy siya sa kanyang rebolusyonaryong tungkulin at tumangan ng iba’t ibang mga gawain sa loob ng 37 taong pagsisilbi sa BHB.

Binigyan ng Partido ng pinakamataas na pagkilala at pagdakila ang mga martir ng hukbong bayan na binansagan nitong “pinakamabubuting mga anak ng bayan.”

Pagpupugay sa mga bayani ng Negros at ICR!