Sigaw ng bayan: Sara Duterte, panagutin!

,

Sa nagdaang mga linggo, sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ay tuluy-tuloy ang protesta ng mga progresibong grupo para ipanawagan ang masusing paglilitis at pagpapanagot kay bise presidente Sara Duterte. Umusad na ang reklamong impeachment laban kay Duterte mula nang bumoto ang mayorya ng Kongreso para i-impeach siya hanggang sa pagtitipon ng mga senador para buuin ang isang impeachment court.

Noong Mayo 11, sa botong 257-25 ay na-impeach o isinakdal ng Mababang Kapulungan si Duterte sa pangalawang pagkakataon sa mga kasong betrayal of public trust, korapsyon, panunuhol at malalang pambabanta. Pumasa ang impeachment sa kabila ng pambabanta ng pangkating Duterte, sa pamamagitan ng partidong PDP Laban, laban sa mga mambabatas.

Noong Mayo 18, binuo ng mga senador ang impeachment court na lilitis kay Duterte. Pinangunahan ito ng bagong halal na Senate President na si Alan Peter Cayetano, kilalang maka-Duterte. Pormal na ring inirehistro sa impeachment court ang pangalan ng 11-kataong taga-usig ng Mababang Kapulungan.

Mula Mayo 11, sunud-sunod ang mga pagkilos ng mga pambansa-demokratikong organisasyon para itulak ang paglilitis kay Duterte. Liban sa Metro Manila, nagkaroon ng mga protesta sa mga syudad ng Baguio, Cebu, Iloilo at Davao.

Sigaw ng bayan: Sara Duterte, panagutin!