Tuluy-tuloy na pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa Pilipinas

,

Walang patid ang isinasagawa ng US na mga operasyong militar sa Pilipinas sa tabing ng malalaking war games. Sa pagtatapos ng Balikatan 2026 noong Mayo 8, agad na sinimulan nito ang Salaknib 2 na may kalahok na 7,000 tropa, kasama ang mula sa Japan, Australia at New Zealand. Layunin ng war games na ito ang hasain ang mga tropa sa pakikidigma sa kundisyong pulo-pulo (archipelagic), at kontra-gerilya. Nagtapos ang Salaknib 2 noong Mayo 20, pero mananatili ang mga tropa at kagamitang ginamit dito para sa iba pang war games hanggang Hulyo.

Pangunahing iniensayo sa Salaknib 2 ang Joint Pacific Multinational Readiness Center-Exportable. Tampok dito ang malawakang operasyong kombat, small unit tactics, pinagsanib na mga live fire exercise, pagsalakay sa gabi mula sa himpapawid, pagpapaputok ng mga misayl, at labanan sa kagubatan, lahat sa mga “reya-listikong senaryo.” Tulad sa Balikatan, marami sa mga lokasyon kung saan isasagawa ang mga ito ay itinatago at inililihim.

Pagpapalawak ng dual-use na mga pasilidad

Kasabay ng mga war games ang pagpapalawak ng US ng network ng mga sibilyang pasilidad na magagamit nito sa mga layuning militar. Pinakahuli ang pagkopo nito sa proyektong rehabilitasyon ng Sangley Point International Airport, isang sibilyang paliparan sa Cavite. Noong Mayo 12, inianunsyo ng US Trade and Development Agency na popondohan nito ang isang pag-aaral para itransporma ang paliparan sa dual-use o dalawahang-gamit (sibilyan at militar) na pasilidad. Kasosyo ng US dito ang Cavitex Holdings, Inc. ng pamilyang Virata.

Samantala, nagtungo noong Mayo 1 ang mga upisyal ng rehimeng Marcos sa Jerusalem para aregluhin ang pamumuhunan ng mga kumpanyang Israeli sa “Golden Node” ng US sa New Clark City, Pampanga. Ang “Golden Node” na ito ang itatayong “economic security zone” ng US na magsisilbing pagawaan ng armas sa balangkas ng Pax Silica. Ang pagpasok at pamamayani ng puhunan at teknolohiya ng Israel dito ay direktang nagsasangkot sa rehimeng Marcos sa kasuklam-suklam na gerang henosidyo at mga gerang agresyon ng US at Israel sa Palestine at Middle East.

Tuluy-tuloy na pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa Pilipinas