Mga Pilipino, nakiisa sa Palestine

,

Nagtipon ang iba’t ibang grupo sa Welcome Rotunda sa Quezon City noong Mayo 15 bilang pakikiisa sa paggunita ng mamamayang Palestino sa ika-78 anibersaryo ng Al Nakba. Ipinanawagan nila ang paglaya ng Palestine mula sa marahas na okupasyon ng Zionistang Israel. Pinangunahan ang pagkilos ng Philippines-Palestine Friendship Association. Bitbit ng mga nagprotesta ang mga bandila ng Palestine at mga plakard na nagpapahayag ng suporta sa mga Palestino.

Palayasin ang mga sundalong Israeli. Nanawagan ng hustisya at pananagutan ang mga residente ng General Luna sa Siargao Island sa Surigao del Norte matapos ang serye ng mga krimen at karahasan laban sa kanila ng mga sundalong Israeli na naglipana sa isla. Nagtipon sila sa isang pagpupulong kasama ang mga lokal na upisyal, pulis, mga may-ari ng negosyo at iba pang sektor noong Mayo 12 para talakayin ang sunud-sunod na mga insidente ng karahasan, panggugulo at pambabastos ng mga sundalong Israeli sa isla.

Pinakahuli, at pinakamalala, ang pang-aatake ng isang grupo ng mga Israeli sa Cartoon Cafe sa General Luna noong Mayo 11. Ayon sa mga ulat, pinag-initan ng mga sundalo ang establisyemento matapos makita ang isang bandila ng Palestine na nakasabit sa labas nito. Iniulat na sinira ng mga sundalo ang mga CCTV camera at pisikal na binugbog ang mag-asawang may-ari ng negosyo, sa harap ng kanilang maliit na anak. Ang mga sundalong ito ay naiulat na bagong labas pa lamang sa “serbisyo” sa gerang henosidyo na isinasagawa ng Zionistang estado laban sa Palestine.

Mga Pilipino, nakiisa sa Palestine